‘Tokhang 2.0’ okay kay VP Sara

Nagpahayag ng suporta si Bise Presidente Sara Duterte sa muling pagbuhay sa kontrobersyal na kampanyang kontra-droga na Oplan Tokhang sakaling siya ay maging pangulo. Ayon sa bise, dapat magpatupad ang pamahalaan ng mas agresibong pagsugpo sa ilegal na droga upang maibaba ang paglaganap nito sa “halos zero.”
Sa isang panayam kay dating presidential communications undersecretary Mocha Uson, tinanong si Duterte tungkol sa suporta ng publiko sa pagbabalik ng Tokhang, kabilang ang panawagan para sa posibleng “Tokhang version 2.0” sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Sa kahit anong gobyerno sa mundo, dapat relentless ang paglaban sa illegal na droga,” pahayag ni Duterte.
Iginiit niya na ang ilegal na droga ay nagdudulot ng mga problema hindi lamang sa mga komunidad kundi maging sa loob mismo ng mga tahanan at sa personal na buhay ng mga apektado nito.
“Dahil maraming problema ang nagsisimula sa illegal na droga. Hindi lang sa komunidad, sa loob ng pamamahay, sa personal na buhay ng mga apektado ng droga,” wika niya.
“Kaya kailangan dapat kinokontrol, sinusupres at ginagawang almost zero ng gobyerno ang illegal na droga,” dagdag pa niya.
Ang Oplan Tokhang, na ipinakilala noong administrasyon ng kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte, ay kinasangkutan ng pagkatok ng mga pulis sa bahay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga upang hikayatin silang sumuko.
Naging pangunahing tatak ito ng giyera kontra-droga ng dating pangulo, na umani ng malawakang batikos dahil sa mga paratang ng extrajudicial killings at paglabag sa karapatang pantao.
Batay sa opisyal na datos ng pamahalaan, tinatayang nasa 6,000 ang nasawi kaugnay ng kampanya kontra-droga, habang tinataya naman ng mga human rights group na umaabot ito nang hanggang 30,000.
Isa rin ang nasabing kampanya sa mga pangunahing isyung iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng umano’y crimes against humanity na naganap sa kasagsagan ng drug war ng dating pangulo.
Nauna nang itinanggi ni Sara Duterte ang mga paratang na nag-uugnay sa kanya sa Oplan Tokhang at sa mga pagpatay na may kinalaman sa droga noong siya ay alkalde pa ng Lungsod ng Davao.
Noong Pebrero 2024, pinabulaanan niya ang mga akusasyon ng dating pulis-Davao na si Arturo Lascañas na tumulong umano siya sa pagbuo ng operasyon, at tinawag itong isang bagong pagtatangka upang idawit siya sa imbestigasyon ng ICC.







