Skip to content
DYARYO TIRADA

Hindi kailangang magtaray para maging matatag

Hindi kailangang magtaray para maging matatag

RTVM

Text size

May kakaibang ginhawa sa pakikinig sa isang spokesperson na nauunawaan na hindi lamang ang mensahe ang mahalaga, kundi pati ang paraan ng paghahatid nito.

Si PBGen Allen Rae Co, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), ay kapansin-pansin sa kanyang mahinahon, maayos, at may paninindigang paraan ng pagsagot sa mga tanong ng media. Soft-spoken ngunit hindi mahina, kalmado ngunit hindi umiiwas, at matatag nang hindi kailangang maging mapagmataas.

Hindi niya kailangang taasan ang boses, mang-insulto, o maliitin ang isang mamamahayag para ipakitang alam niya ang kanyang sinasabi. Hindi rin niya kailangang iparamdam sa nagtatanong na para bang walang alam o mali ang pagtatanong nito.

At sa totoo lang, ganito dapat ang isang tagapagsalita ng institusyon.

Trabaho ng media ang magtanong, maglinaw, magbusisi, at humingi ng kasagutan sa mga bagay na may interes sa publiko. Trabaho naman ng spokesperson na magpaliwanag, magbigay ng impormasyon, at maglinaw sa abot ng kanyang makakaya at sa mga limitasyong itinakda ng batas at operasyon.

Hindi paligsahan ng talino ang press briefing. Hindi ito pagkakataon para ipamukha sa reporter na mas marami siyang alam o para ipahiya ang nagtatanong. Ang isang mahusay na spokesperson ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang nasasabi, kundi sa kakayahan niyang maghatid ng malinaw na impormasyon nang may respeto at kredibilidad.

Sa paraan ng pagsagot ni Co, makikita na hindi kailangang magtaray para maging matatag. Hindi kailangang maging sarcastic para maging matalino. Hindi kailangang magmukhang galit para ipagtanggol ang institusyong kinakatawan.

Ang pagiging kalmado ay hindi nangangahulugang wala kang paninindigan. Sa halip, madalas itong tanda ng kumpiyansa sa iyong kaalaman at sa mensaheng nais mong iparating.

Also read Saksakan sa skul: 2 estudyante sugatan

Mas lalo itong dapat pag-isipan ng ilang PNP Public Information Officers (PIOs) sa provincial level na kung minsan ay hindi man lamang makasagot sa mga tanong na may direktang kaugnayan sa kanilang tungkulin. May mga pagkakataong ang simpleng paghingi ng impormasyon o paglilinaw ay nauuwi sa pananahimik, hindi kumpletong sagot, pag-iwas, o tila pagkainis sa reporter na nagtatanong.

Hindi naman hinihingi ng media na ibunyag ang mga sensitibong detalye ng operasyon, kumpidensyal na impormasyon, o anumang bagay na maaaring makasagabal sa imbestigasyon.

Nauunawaan ang mga limitasyong ito. Ngunit may malaking pagkakaiba ang hindi maaaring magbigay ng impormasyon dahil may legal o operational na dahilan, at ang hindi makasagot dahil hindi alam o ayaw lamang magbigay ng paliwanag.

Ang pagiging PNP PIO ay hindi lamang pag-forward ng press release, pagpapadala ng litrato ng operasyon, o pagpo-post ng accomplishments sa Facebook. Kasama rito ang pagiging handa, pagiging accessible, pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa mga isyung saklaw ng inyong opisina, at ang kakayahang makipag-ugnayan nang maayos sa media. Hindi sapat na may hawak kang posisyon; kailangan mo ring maunawaan ang responsibilidad na kaakibat nito.

Hindi kalaban ang mamamahayag. Hindi rin dapat ituring na istorbo ang mga tanong nito. Sa maraming pagkakataon, ang mga tanong na hindi komportable para sa isang opisyal ay siya ring mga tanong na nais malaman ng publiko. Hindi personal na pag-atake ang bawat follow-up question, at hindi kawalan ng respeto ang paghahanap ng mas malinaw na sagot.

Maaaring matuto ang ilang provincial PIO sa paraan ni PBGen Co. Ang pagiging mahinahon ay hindi kahinaan. Ang pagiging magalang ay hindi nangangahulugang wala kang paninindigan. At ang pagsagot sa media ay hindi nangangahulugang kailangan mong manalo sa bawat palitan ng salita.

Minsan, ang pinakamalakas na boses ng isang institusyon ay hindi iyong pinakamalakas sumigaw, kundi iyong marunong magpaliwanag, makinig, at sumagot nang may respeto.

Dahil sa serbisyo publiko, hindi lamang ang impormasyong ibinibigay ang mahalaga. Mahalaga rin kung paano mo ito ibinibigay at kung paano mo tratuhin ang mga taong nagtatanong para sa publiko.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.