Zofia Canlas sakalam!

Naging mainit sa mata ng taumbayan ang pagtalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Zofia Canlas bilang komisyoner ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP).
Sa murang edad, tila isang mabilis at higanteng promosyon ang kanyang natanggap na nag-iwan ng tanong sa marami: Gaano ba talaga ka-kwalipikado ang dalaga?
Nagtapos si Canlas sa De La Salle University Manila sa kursong Medical Biology noong 2024. Una niyang tinahak ang mundo ng politika noong 2025 bilang unang nominado ng Batang Quiapo party-list sa Kongreso.
Nakuha ng grupo ang atensyon ng publiko dahil ipinangalan ito sa sikat na teleserye ni Coco Martin na FPJ’s Batang Quiapo—isang hakbang na tinutulan ng COMELEC, na kalaunan ay nagbawal sa paggamit ng mga pangalang hango sa palabas sa telebisyon upang maiwasan ang media popularity voting.
Makalipas ang ilang buwan, noong Hulyo 2025, pumasok si Canlas sa PCUP bilang chief of staff. Ngunit makalipas lamang ang halos isang taon, diretso na siyang naupo bilang komisyoner.
Kung tutuusin, hindi niya naranasan ang dumaan sa butas ng karayom o magsimula sa mababang posisyon sa burukrasya—ang mga uri ng pagsubok na dinaranas ng mga maralitang manggagawang kanyang pinamumunuan.
Ang sweldo bilang komisyoner, tinatayang 2 milyon kada taon! Sana all, para sa mga may masteral o doctorate degree.
Bukod dito, umani rin ng batikos ang kanyang magarbong pamumuhay at sunod-sunod na pag-travel sa iba't ibang bansa gaya ng Italy, Spain, France, United States, at Greece.
Ang PCUP ang ahensyang nagsisilbing tulay sa pagitan ng gobyerno at ng urban poor communities.
Sila ang bumubuo ng mga programa para sa mga maralita, nagbibigay-pahintulot sa mga organisasyong pampamayanan, at gumaganap bilang tagapamagitan upang matiyak ang makatao at naaayon sa batas na pagtrato sa panahon ng mga demolisyon.
Totoo namang age is just a number, at ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, “Kung magaling, magaling.” Dagdag pa niya, “Ano man ang estado mo sa buhay, mayaman ka, mahirap ka, kung ikaw ay may kakayahan na magtrabaho, magsilbi para sa bayan, iyan po ang numero uno para sa Pangulo.”
Pero teka lang, nasaan ang hustisya para sa libu-libong fresh graduates na hirap na hirap makapasok sa trabaho at posiyon na gusto talaga nila dahil sa patakarang hinahanapan pa ng at least dalawang taong karanasan, pati nga sa mga simpleng trabahong tulad ng pagiging barista, admin clerk, o logistics assistant, iyon ang kwalipikasyon. Samantalang sa mga mataas na posisyon, tila madaling balewalain ang kakulangan sa karanasan.
Hirit pa nga ng ilang netizen, mayroon ding puso at malasakit ang mga ordinaryong Pilipino, ngunit bakit tila may dobleng pamantayan? Kung walang diskriminasyon sa edad at karanasan, sana ay nagsisimula ito sa mga nasa laylayan.
Sa halip, ang nangyayari ay kabaligtaran: ang mga propesyonal na taon ang ginugol sa serbisyo at may sapat na kaalaman ay nananatiling stagnant, hirap mabigyan ng sapat na suweldo at promosyon.
Sabihin na nating may taglay na talino si Canlas, ngunit sapat ba isang taong karanasan lamang sa ahensya upang mamuno sa isang sensitibong pangpublikong posisyon? Lalo pa’t ang kanyang amang si Jose Marcell “Jomar” Canlas ay kasalukuyang assistant secretary sa Office of the President, kaya naman hindi masisi ang taumbayan sa pagbansag sa kanya bilang isang kaso ng "nepo baby."
Nasa panahon tayo kung saan ang masisipag at tunay na nagpapakahirap sa trabaho ay madalas na napag-iiwanan. Ngunit para sa mga may malalakas na koneksyon, tila walang imposible. Kahit walang diploma, pwedeng maging presidente!
Ang pwesto sa gobyerno ay hindi isang premyo sa pagtatapos o pampamilyang pamana. Kailangang matuto at patunayan muna ang sarili bago umupo sa trono—hindi ang magsanay sa pwesto habang ang nakataya ay ang kinabukasan ng mga maralita.
