Petisyon ni Marcoleta para magpiyansa ibinasura

Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang petisyon para makapagpiyansa nina Senador Rodante Marcoleta, dating Quezon City Representative Mike Defensor, at ng dalawang negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu kaugnay ng kinahaharap nilang P75-milyong kasong plunder.
Ayon sa anti-graft court, malakas ang ebidensya ng pagkakasala laban sa apat na akusado matapos matuklasang nakatanggap umano si Marcoleta ng kabuuang P75 milyon noong Enero 2025 mula kina Defensor, na nagbigay ng P30 milyon; Espiritu, P25 milyon; at Viray, P20 milyon.
Sinabi pa ng Sandiganbayan na hindi idineklara ng senador ang naturang halaga sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) at Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Pinuna rin ng Sandiganbayan ang umano’y magkasalungat na pagturing ni Marcoleta sa pondo bilang donasyon sa kampanya ngunit itinuring na personal na pera sa harap ng Commission on Elections (Comelec).
Tinukoy din ng korte ang mga palatandaan umano ng sabwatan, kabilang ang magkakaparehong deeds of donation, sabay-sabay na pagpapanotaryo, at pagbabayad ng donor’s tax ng isang empleyado ng senador.
Binigyang-diin ng korte na ang mga naturang donasyon ay maituturing na regalong tinanggap dahil sa posisyon sa gobyerno at lumampas sa halagang itinakda sa ilalim ng Republic Act No. 7080, o ang Plunder Law, na may parusang habambuhay na pagkakakulong.






