Gilas Pilipinas arangkada na sa ensayo

Walang sasayanging oras ang Gilas Pilipinas at agad na sisimulan ang kanilang ensayo pagdating sa Malaysia bilang paghahanda sa Fifth Window ng FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers.
Dumating na sa Malaysia ang karamihan sa mga manlalaro ng pambansang koponan mula sa Pilipinas, kabilang sina Kai Sotto, Dwight Ramos, Kevin Quiambao, Scottie Thompson, CJ Perez, Troy Rosario, Chris Newsome, at Juan Gomez de Liaño.
Diretso namang nagtungo sa Malaysia mula sa Japan sina AJ Edu, Mike Phillips, at Quentin Millora-Brown upang makasama ang koponan.
Inaasahang susunod sa mga darating na araw ang naturalized player na si Bennie Boatwright matapos tapusin ang kanyang mga nakatakdang laro para sa kanyang koponan sa China.
Naniniwala si Gilas head coach Tim Cone na sapat ang anim na araw na ensayo upang maihanda ang koponan, at umaasa siyang mabilis na makakabisado ni Boatwright ang kanilang sistema sa paglalaro.
Unang makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Syria sa Biyernes, Nobyembre 27, bago sagupain ang Iran sa Linggo, Nobyembre 29.







