Skip to content
DYARYO TIRADA

Eala: Bawat sports may sariling espasyo

Eala: Bawat sports may sariling espasyo
Text size

Tahasang sinabi ng Filipina tennis star na si Alex Eala na hindi siya sang-ayon sa pagkukumpara at pagsasabong ng iba’t ibang larangan ng isport sa isa’t isa.

Sa isang panayam, sinabi ng 21-anyos na atleta na may sariling espasyo ang bawat isport at dapat hikayatin ang mga tao na piliin ang larangang tunay nilang mahal sa halip na ikumpara kung saan sila mas nababagay batay sa pisikal na katangian.

“Hindi ako pabor sa pagsasabong ng mga isport sa isa’t isa,” sabi ni Eala.

“Naniniwala ako na may puwang para sa lahat at sa lahat ng isport, at napakaraming isport na maaaring subukan,” dagdag niya.

Nagpahayag din siya ng kasiyahan sa patuloy na pagsikat ng tennis sa Pilipinas, at sinabing ang lumalaking interes dito ay makatutulong upang maging mas abot-kaya at mas madaling pasukin ng mas maraming Pilipino ang nasabing laro.

Hinikayat din ni Eala ang publiko na baguhin ang nakasanayang pananaw sa pagpili ng isport at ibatay ito sa personal na hilig upang mapalaganap ang positibong kaisipan sa palakasan.

Samantala, ibinahagi rin ni Eala ang kanyang pagnanais na makapagbalik-tulong sa lokal na komunidad ng tennis. Ilalaan ang kikitain mula sa opisyal na merchandise ng kanyang homecoming event sa Disyembre 8 sa Philippine Arena para sa Tennis Grassroots Program ng Philippine Tennis Association.

Makakaharap ni Eala sa naturang exhibition match ang kapwa Southeast Asian tennis star na si Janice Tjen ng Indonesia.

Matatandaang noong Setyembre, napabilang si Eala sa listahan ng Time Magazine na “TIME100 Next 2026: The World’s Most Influential Rising Stars.” Mula sa No. 50 sa pagsisimula ng 2026, umakyat na siya sa career-high world ranking na No. 15.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.