Ravena bros, muling nagharap sa B.League

NAGKAHARAPAN sina Thirdy Ravena at Kiefer Ravena sa Japan B. League, kung saan nagwagi ang Ryukyu Golden Kings laban sa Toyama Grousers, 102-96.
Photograph courtesy of Japan B. League
Matapos ang tatlong taon, muling nagkaharap ang magkapatid na Thirdy at Kiefer Ravena sa Japan B.League nang magsagupa ang Ryukyu Golden Kings at Toyama Grouses nitong Lunes.
Nagtapos sa 102-96 panalo ng Ryukyu ang kanilang paghaharap, kung saan nagtala si Kiefer ng walong puntos at dalawang assists, habang nag-ambag naman si Thirdy ng 10 puntos, anim na rebounds at tatlong assists para sa Toyama.
Muling nabigyan ng pagkakataon si Thirdy na makabalik sa Japan matapos ang isang taong pananatili sa BC Dubai sa United Arab Emirates, na sumabak sa AdmiralBet ABA League. Bago ito, naglaro siya sa San-En NeoPhoenix sa loob ng apat na season.
Si Thirdy ang kauna-unahang Filipino player na naglaro sa B.League at unang naging benepisyaryo ng Asian Player Quota ng liga noong 2020. Sa kasalukuyang 2026-27 season, nag-a-average siya ng 8.9 puntos, 3.3 rebounds at 2.8 assists kada laro para sa Toyama.
Samantala, patuloy namang ipinapakita ni Kiefer ang kanyang husay bilang point guard sa Japan. Bago lumipat sa Ryukyu, naglaro siya para sa Shiga Lakes at Yokohama B-Corsairs. Sa Shiga, nagtala siya ng 12.1 puntos at 5.2 assists kada laro, habang nag-average naman siya ng 10.9 puntos at 3.5 assists sa Yokohama.







