Next time na lang
[KOLUM]

Ayaw ko sa mga taong madaling manghusga sa mga hindi kayang sumabay.
Sa isang kapitalistang mundo, mahirap sabihin na hindi tungkol sa pera ang lahat ng bagay. Pinalaki tayo sa paniniwalang basta magkakasama, kahit walang pera, ay oks na. Pero habang tumatanda tayo, mas nauunawaan nating ang kakapusan sa pera ay kakapusan din sa karanasan, oportunidad, at kung minsan, maging sa kakayahang ipakita ang pagmamahal natin sa ibang tao.
Minsan, sa pagiging hikahos, nagmumukha tayong masamang kaibigan, anak, kapatid, o magulang. Hindi ka nakadalo sa birthday dahil walang panggastos. Hindi ka nakasama sa lakad dahil hindi kasya ang budget. Hindi ka nakapagbigay sa pamilya dahil kailangan mo ring unahin ang sarili mong pangangailangan. Sa paningin ng iba, mukha kang walang pakialam, madamot, o hindi marunong makisama. Pero ang totoo, gusto mo rin namang sumama. Gusto mo ring magbigay. Hindi lang talaga kaya ng bulsa.
May lungkot sa tuwing kailangan mong tanggihan ang mga bagay na gusto mo, hindi dahil ayaw mo, kundi dahil hindi mo afford. May konsensya sa tuwing hindi mo maibigay ang mga bagay na gusto mong ibigay sa mga taong mahal mo. At may panghihinayang sa mga karanasang hindi mo nabuo dahil mas pinili mong maging praktikal.
Sa Pilipinas, nasa halos P96 hanggang P98 lang daw kada tao kada araw ang katumbas ng 2025 poverty threshold kahit na sobrang taas ng mga bilihin. Kamakailan, nag-trending din ang papuri ni Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva sa bansa dahil sa naitalang pagbaba ng poverty rate nito. Mga positibong pahayag na tila naitatago ang tunay na reyalidad. Paano natin masasabing tunay na nararamdaman ng nakararami ang pag-unlad kung marami pa rin ang kailangang magtipid sa mga pangunahing pangangailangan? Hindi ba dapat isa sa pinakamahalagang sukatan ng pag-unlad ay kung gaano ito nararamdaman sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan?
Madalas nating marinig na hindi pera ang sukatan ng pagkatao. At sang-ayon naman ako roon. Hindi nasusukat sa laki ng kinikita ang kabutihan, pagmamahal, o halaga ng isang tao. Pero sana, huwag din nating maliitin ang bigat na dala ng kawalan nito.
Mas madaling maging mabuting kaibigan kapag may pera ka dahil kaya mong sumama, magpakita, at makibahagi. Mas madaling maging mabuting anak kapag may pera ka dahil kaya mong magbigay at tumulong sa pamilya mo.
Dahil hindi lang naman nakikita ang kahirapan sa mga taong natutulog sa lansangan o namamalimos sa kalsada. Mayroon din itong mga mukha na hindi agad napapansin. Makikita rin ito sa mga taong tumatanggi sa imbitasyon dahil wala siyang extra budget, sa estudyanteng hindi makasabay sa mga lakad ng kaniyang mga kaklase, o kaya sa simpleng pagsabi ng ‘Next time na lang.
Dahil kahit hindi pera ang lahat, marami sa pinakamahahalagang bagay sa buhay ang nangangailangan nito. At kung minsan, ang pinakamahirap sa pagiging mahirap ay hindi lamang ang mga bagay na hindi mo kayang bilhin, kundi ang paraan ng pagtingin ng iba sa iyo.






