Julie Anne at Rayver, engaged na!

Isang matamis na “yes” ang binitawan ni Kapuso singer-actress Julie Anne San Jose matapos hingin ng kaniyang longtime boyfriend na si Rayver Cruz ang kaniyang kamay para sa kasal.
Ibinahagi ng Kapuso celebrity couple ang masayang balita sa kanilang social media accounts na siya namang inulan ng pagbati mula sa fans at kapuwa artista.
Sa posts ng engaged cuople, ibinahagi nila ang romantic proposal video kung saan makikitang hinihingi ni Rayver ang kamay ni Julie Anne sa harap ng kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.
Matatandaang nagsimula sa pagkakaibigan ang love story ng dalawa matapos lumipat si Rayver sa GMA Network noong 2018.
Kalaunan, nauwi sa pag-iibigan ang kanilang samahan matapos ligawan ni Rayver si Julie Anne sa tradisyonal na paraan at hingin ang basbas ng mga magulang nito.
Noong Nobyembre 2022, opisyal nilang kinumpirma sa publiko ang kanilang relasyon.
Bukod sa pagiging magkasintahan, naging magkapareha rin sila sa ilang proyekto, kabilang ang All-Out Sundays, The Clash, kanilang JulieVerse concert noong 2022 at romantic film na The Cheating Game noong 2023.
Bago pa man ang kanilang engagement, naibahagi na rin ng dalawa ang kanilang pangarap na magkaroon ng simple at tradisyonal na kasal.
Napag-usapan din nila ang desisyong hindi muna magsama sa iisang bahay hangga’t hindi pa sila ikinakasal.
Sa ngayon, wala pang ibinabahaging detalye tungkol sa petsa ng kanilang kasal.







