Alfrancis Chua nagpasaring; Rico may sagot?

Naglabas ng pahayag si San Miguel Corporation Sports Director Alfrancis Chua tungkol sa paggamit ng pagkamatay ng isang tao bilang social media content, na sinabing dapat igalang ang yumao at ang mga naiwang nagluluksa.
“Stop exploiting someone’s death for your own content, views, and attention. Have some respect for the deceased and for the people grieving,” ani Chua sa kaniyang post, bagama’t hindi niya tinukoy kung sino ang kaniyang pinatutungkulan.
“Not everything needs to be turned into a post for likes. Show some humanity,” dagdag pa niya.
Kasunod nito, naglabas naman ng pahayag ang dating PBA player na si Rico Maierhofer, na kasama sa grupong PBA MotoClub at naging teammate ni yumaong PBA star Peter June “PJ” Simon.
Sa kaniyang post, ibinahagi ni Maierhofer ang umano’y personal na hiling ni Simon na palagi siyang isama sa kanilang mga video, lalo na ang kaniyang mga highlight, dahil pinanonood umano ito ng anak nitong si Jeidon.
“TO WHOM IT MAY CONCERN: Peter June Simon personally told me, ‘Huy Rico, palagi mo ako ilagay sa video natin sa PBA Moto Club, lalo na mga highlights ko, kasi palaging nanonood si Jeidon [anak ni Simon],’” ayon kay Maierhofer.
Giit ni Rico, itinuturing niyang kapatid ang yumaong manlalaro kaya ang paggawa ng tribute videos ang isa sa mga paraan niya upang matupad ang hiling nito at mapanatili ang mga alaala at sandaling pinagsaluhan nila.
“As a brother and a friend, creating tribute videos to remember him is my way of fulfilling that promise. It is not just about making videos—it is about preserving his memories, his moments, his laughter, and the legacy he left behind,” sambit ni Maierhofer.
Dagdag pa niya, inilaan din ang kanilang mga content para sa mga kaibigan at tagahanga ni Simon na hindi makadadalo sa kaniyang burol.
Matagal nang nagbabahagi ang PBA MotoClub ng mga video at larawan ng kanilang mga aktibidad, kabilang ang mga laro ng dating PBA players sa iba’t ibang lugar, maging sa ibang bansa.
Kabilang sa mga dating manlalarong nakikita sa kanilang mga post sina James Yap at Paul Artadi, gayundin ang mga kapamilya, dating teammates, kaibigan at coach ni Simon na nakasama niya sa kaniyang basketball career.
Ipinakita rin ni Maierhofer ang screenshot ng kita mula sa kanilang mga tribute videos upang patunayan na wala silang kinikita sa mga naturang content.
“I do this out of love, respect, friendship, and a promise I made to him. It is my privilege to honor him in the only way I know how,” ani Maierhofer.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Chua ang kaniyang pinatutungkulan at hindi rin direktang tinukoy ni Maierhofer ang opisyal, iniuugnay ng ilang netizens ang dalawang pahayag sa isa’t isa. Gayunman, wala pang kumpirmasyon na may direktang palitan ng patama ang dalawa.





