Construction worker, patay dahil sa sukli
Patay ang isang 45-anyos na construction worker matapos bugbugin ng kaniyang katrabaho kasunod ng pagtatalo nila tungkol sa hindi naibalik na sukli sa Taytay, Rizal.
Naganap ang insidente bandang alas-8 nitong Sabado ng gabi habang nag-iinuman ang biktima at ang suspek sa loob ng kanilang barracks sa Barangay Sta. Ana.
Ayon sa Taytay Municipal Police Station, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa matapos hingin ng biktima ang sukling P200 na hindi umano naibalik sa kaniya.
Lalong uminit ang pagtatalo nang mapikon ang suspek, na ayon sa mga awtoridad ay nakainom na rin ng alak.
Agad namang naaresto ang suspek matapos siyang maharang ng guwardiya ng subdivision.
Sa salaysay ng suspek, dati na silang nagkaroon ng alitan ng biktima matapos umano siyang pagbintangan nitong may relasyon sa kaniyang live-in partner.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong homicide.







