Working student sa Batangas, patay sa pamamaril ng riding-in-tandem

Patay ang isang 22-anyos na working student matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem habang pauwi sakay ng kanyang motorsiklo sa Barangay Banay-Banay II, San Jose, Batangas.
Galing pa umano sa isang gig sa bar ang biktima nang mangyari ang pamamaril bandang alas-9 ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Charles Usi, isang Communication student sa Westmead International School.
Ayon sa San Jose Municipal Police Station, una umanong inakala na aksidente ang insidente. Gayunman, nang suriin ng mga awtoridad ang biktima, nakita nilang nagtamo ito ng mga tama ng bala.
Sa kuha ng CCTV, makikita umano ang dalawang suspek na nakabuntot sa biktima bago ang insidente.
Samantala, marami ang nagpahayag ng pakikiramay sa pagkamatay ni Usi, lalo na ang kanyang pamilya at mga kaibigan na nananawagan ng hustisya para sa binata. Sa kanilang mga post sa social media, ibinahagi nila ang panawagang, “Justice for Charles Usi.”
Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.




