Harapin ang realidad

Hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ang mga suliraning hinaharap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil bukod sa kaliwa’t kanang mga batikos na nakukuha niya, heto at may panibago na naman siyang haharapin.
Nitong nakaraan kasi ay naglabas ng survey ang Social Weather Stations (SWS) kung saan makikitang bumagsak pa sa -11 ang net satisfaction rating ng Pangulo.
Tingin ng mga miron, malinaw na babala na ito para sa Palasyo.
Pumasok na kasi ito sa kategoryang "poor"—kung saan 46 porsyento ng mga Pilipino ang dissatisfied kumpara sa 35 porsyento lang na satisfied. Pruweba na ito na mabilis na ang pagbaba ng tiwala ng publiko.
Higit pa sa mga simpleng numero sa pulitika, ipinapakita rin ng mga datos na ito ang lumalaking agwat sa pagitan ng sinasabi ng gobyerno at ng totoong hirap na nararanasan ng karaniwang pamilyang Pilipino sa araw-araw.
Tingin din namin, ang isang mahalagang bahagi ng SWS poll ang pananaw ng publiko sa huling State of the Nation Address, dahil kung tutuusin, mababa sa kalahati ng populasyon ang nakapanood o nakabalita tungkol sa talumpati noong Hulyo.
At sa mga nakakaalam nito, halos 37 porsyento ang nagsabing hindi nila paniniwalaan ang ulat ng Pangulo ukol sa kalagayan ng bansa, habang 26 porsyento lang ang naniwala.
Ang nagresultang -11 net believability score ay nagpapakita ng malaking kawalan ng tiwala.
Kapag ang mga opisyal na kwento tungkol sa pag-unlad ng ekonomiya at mga proyekto ay hindi nagtutugma sa totoong nangyayari sa hapag-kainan—kung saan patuloy na mataas ang presyo ng pagkain at kinakain ng implasyon ang araw-araw na sahod—natural lang na magduda ang mga mamamayan.
Kung titingnan ang bawat rehiyon, ramdam ang pagbagsak ng grado ng pamahalaan sa mga pangunahing sentro ng ekonomiya.
Bagsak sa -27 ang net satisfaction rating sa Metro Manila, habang -13 naman sa Visayas. Ipinapakita nito ang malawak na pagkadismaya sa mga lungsod at lalawigan kung saan mas ramdam ang mataas na gastusin sa pamumuhay.
At kahit na bahagyang tumaas ang marka sa Mindanao patungong -21, malinaw pa rin ang pangkalahatang panawagan ng bansa para sa pagbabago.
Kung susumahin, ipinapahiwatig ng mga numerong ito na ang problema sa ekonomiya ay hindi lang sa isang lugar, kundi isang malalim na pagkabahala sa kung paano pinapatakbo ng pamahalaan ang mga batayang pangangailangan ng bayan.
Para sa kahit anong administrasyon, ang mga survey sa opinyon ng publiko ay nagsisilbing mahalagang gabay upang hindi sila mabulag sa totoong sitwasyon.
Ang pagbaba ng rating ay hindi lang basta usapin ng public relations; isa itong direktang panawagan para baguhin ang mga patakaran.
Sa tingin namin, kailangan nang harapin ng Administrasyong Marcos ang realidad, kailangan na nitong ilipat ang gobyerno mula sa mga matatayog na talumpati patungo sa mga konkretong aksyon sa ekonomiya.
Ang pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, pagpapatibay sa lokal na agrikultura, at maayos na pamamahagi ng tulong ang dapat na maging pangunahing prayoridad.
Ang tiwala ng mamamayan sa isang demokrasya ay hindi permanente at may katumbas na pananagutan. Ang mga grandyosong talumpati at pagbiyahe sa ibang bansa ay hindi kailanman makakatapat sa tunay na pagbuti ng antas ng pamumuhay ng mga tao.
Kung nais talaga ng administrasyon na mabawi ang tiwala ng publiko sa buong bansa, kailangan nitong tratuhin ang mga survey na ito hindi bilang ingay sa pulitika, kundi bilang isang mabilisang panawagan na unahin ang ekonomiya, panagutin ang mga may pagkukulang at maghatid ng totoong serbisyo sa mamamayang Pilipino.
