Hinihiling ng ex-DPWH engineers na ibasura ang affidavits
Iginiit ng mga ex-DPWH engineer na ‘self-incriminating’ ang mga salaysay na isinumite sa WPP.

SINA dating Department of Public Works and Highways (DPWH) engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, suot ang vest ng National Bureau of Investigation (NBI).
Photo by Toto Lozano for DAILY TRIBUNE
Humirit sa Department of Justice (DOJ) ang dalawang dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na huwag tanggapin bilang ebidensiya ang ilang sinumpaang salaysay na dati nilang nilagdaan kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa magkahiwalay na counter-affidavits na inihain noong 5 January, sinabi nina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza na ang mga naturang dokumento ay isinumite lamang bilang bahagi ng kanilang aplikasyon sa Witness Protection Program (WPP), kaya’t hindi dapat gamitin laban sa kanila.
Iniimbestigahan ang dalawa sa umano’y pagkakasangkot sa pinaghihinalaang ghost flood control project sa Pandi, Bulacan. Bukod dito, na-arraign na rin sila at kasalukuyang nililitis sa Sandiganbayan sa hiwalay na kaso na may kaugnayan sa isa pang proyekto sa Bulacan. Nakakulong ngayon ang dalawa sa New Quezon City Jail.
Sa kanyang counter-affidavit, hiniling ni Hernandez na ibasura ang hindi bababa sa tatlong dokumento, kabilang ang “Whistleblower’s Report,” isang joint affidavit, at isang “Salaysay.” Ayon sa kanya, ang mga ito ay ginawa para sa kanilang WPP application at hindi dapat ituring na ebidensiya ng prosekusyon.
Iginiit ni Hernandez na ang paggamit sa mga nasabing salaysay ay labag sa kanyang constitutional right laban sa self-incrimination, pati na sa mga probisyon ng Witness Protection Act, na aniya’y naglilimita sa paggamit ng mga pahayag na ibinigay sa proseso ng pag-aaplay bilang state witness.
Inihayag din niya na napilitan umano siyang pirmahan ang isa sa mga affidavit nang hindi lubos na nasusuri ang nilalaman nito. Aniya, tiniyak daw ng mga imbestigador na ang mga salaysay ay gagamitin laban sa ibang opisyal ng gobyerno na nadawit sa sinasabing anomalya.
Sa panig naman ni Mendoza, sinabi nito na malaki ang naging papel ng kanilang mga pahayag sa reklamong isinampa laban sa kanila.
Nauna nang nag-apply ang dalawa upang maging state witnesses, ngunit hindi sila natanggap sa programa.
Kinumpirma ni Acting Justice Secretary Fredderick Vida na may mga salaysay na nakatulong sa pagbuo ng mga kaso, ngunit nilinaw na may iba pang testigo na patuloy na nakikipagtulungan sa mga awtoridad.
Hanggang ngayon ay wala pang pinal na desisyon ang DOJ sa admissibility ng mga kinukuwestyong dokumento, habang nagpapatuloy ang preliminary investigation.
