
Nananatiling naka-alerto ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong kasagsagan ng Bagyong Enteng at habagat upang matugunan ang lahat ng mga nasasalanta ng bagyo.
Kaya naman, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na wala pa siyang balak pulungin ang mga opisyal ng ahensya dahil abala ngayon sa kanilang trabaho ang NDRRMC sa pagtugon sa epekto ng bagyong Enteng.
Ayon pa kay Marcos, palagian niyang polisiya na huwag istorbohin ang kaukulang mga ahensya sa gitna ng krisis at regular namang nagbibigay ng update ang mga ito tungkol sa sitwasyon sa bawat lugar.
Dagdag pa niya, pumapasok lang sila kapag mayroong mga abiso na kailangang agarang maiparating sa publiko gaya ng suspensiyon ng klase at pasok sa trabaho.
Sa ibang kaugnay na balita, inilikas ang 20 pamilya sa isang subdivision sa Muntinlupa city matapos gumuho ang isang pader bunsod ng pabugso-busong pag-ulan at hangin dala ng bagyong Enteng.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, gumuho ang naturang pader sa tabi ng isang creek sa loob ng subdivision at nagdulot ng pagbaha. Inilikas naman patungo sa evacuation center ang mga apektadong pamilya.
Base naman sa City Government ng Muntinlupa, nasa 124 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers ng lungsod. Siniguro naman ng pamahalaang lungsod na may sapat na relief goods na ipapamahagi para sa mga pamilyang apektado ng bagyo.
Iniulat naman ni Biazon kaninang 8:34am na passable na o maaari ng madaanan ang National Road at Service Roads sa siyudad.
Ipinag-utos na rin ng alkalde ang clearing operation sa mga basurang nakabara sa daluyan ng tubig sa may Tunasan River bridge sa border ng Muntinlupa at San Pedro, Laguna.
Samantala, abot tuhod na ang baha sa ilang lugar sa Baseco sa Tondo, Maynila at kaugnay nito, inilikas na ang ilang mga residente sa Baseco compound nitong umaga ng Lunes.
Ayon sa ilang residente, ang tubig dagat ay halos umapaw na at posibleng tuluyang umapaw ito kapag nagpatuloy ang matinding mga pag-ulan.
Sa obserbasyon din ng mga ito, ang mga alon sa Manila Bay ay lumalaki dahil na rin sa malalakas na hangin na nagbunsod sa kanila para lumikas na.
Batay naman sa mga barangay official, umaabot na sa 20 hanggang 30 residente ang inilikas karamihan ay mula sa Block 1 at 2.
Patuloy naman ang paghimok ng mga opisyal sa iba pang residente na lumikas na lalo na ang mga naninirahan malapit sa Manila Bay dahil ilan sa mga kabahayan na malapit sa dagat ay inaabot na ng malalaking alon.
Binabantayan naman ng Philippine Ports Authority ang mga pwerto at pantalan, sa gitna ng kanselasyon ng biyahe ng mga barko dahil sa epekto ng bagyong Enteng.
Ayon sa PPA, regular nang nagsasagawa ng monitoring at pag-iikot sa mga pantalan ang mga personnel nito, kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard(PCG).