Creamline planong tapusin ang serye kontra Foxies

JIA de Guzman (12) may 14 excellent sets at 4 na puntos para tulungan ang Creamline Cool Smashers na talunin ang Farm Fresh Foxies noong Sabado, 28 ng Nobyembre, sa PhilSports Arena, Pasig City.
larawan mula sa PVL
Target ng defending champion Creamline Cool Smashers na tuldukan ang best-of-three finals series kontra Farm Fresh Foxies at muling masungkit ang kampeonato sa 2026 PVL All-Filipino Conference sa darating na Martes.
May pagkakataon ang Cool Smashers na makuha ang kanilang ika-12 titulo matapos dominahin ang Foxies, 25-11, 25-16, 25-16, sa Game 1 nitong Sabado sa Philsports Arena sa Pasig City.
Pinangunahan ni beteranang Jema Galanza ang opensa ng Creamline matapos magtala ng 15 puntos mula sa 14 attacks at isang ace sa loob ng 83 minutong laro.
Naging epektibo rin ang depensa ng Cool Smashers matapos limitahan sa anim na puntos si reigning PVL Most Valuable Player Trisha Tubu. Wala ring nakapagtala ng double-digit scoring para sa Farm Fresh.
Unang pagkakataon naman ng Foxies na makapasok sa finals mula nang sumali sa liga noong 2023. Nakuha nila ang puwesto matapos patalsikin ang top-seeded Nxled sa semifinals.
Samantala, ikasampung finals appearance na ito ng Creamline sa All-Filipino Conference at ika-16 nitong championship stint sa PVL. Susubukan nilang tapusin ang serye sa Game 2 sa Martes sa parehong venue.






