Skip to content
DYARYO TIRADA

Filipinas, bigo sa unang friendly kontra NZ

Filipinas, bigo sa unang friendly kontra NZ

Asianfootball

Text size

Bigong makuha ng Philippine Women’s National Football Team o Filipinas ang panalo kontra New Zealand matapos yumuko 0-3 sa unang laro ng kanilang dalawang-match friendly series nitong Linggo, 29 Nobyembre, sa Porirua Park, Wellington.

Maagang nagpakawala ng atake ang New Zealand matapos kumana si Maggie Jenkins ng unang goal sa ikatlong minuto.

Hindi pa man nakababawi ang Filipinas, muling nakaiskor ang New Zealand sa ikapitong minuto sa pangunguna ni Indiah-Page Riley, matapos makatanggap ng magandang pasa mula kay Malia Steinmetz.

Natapos ang first half sa 2-0 kalamangan ng Football Ferns.

Sinubukan pang makabawi ng Filipinas sa sumunod na yugto, ngunit lalo pang lumaki ang agwat matapos maitala ang sariling goal ni Kellie Pagador sa ika-48 minuto.

Huling nagharap ang dalawang koponan sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia, kung saan nagulat ang New Zealand matapos maitala ni Sarina Bolden ang makasaysayang goal sa pamamagitan ng header. Naging unang goal at panalo iyon ng bansa sa kasaysayan ng FIFA Women’s o Men’s World Cup.

Sa pagkakataong ito, nakabawi ang Football Ferns sa kanilang unang pagkikita mula nang matalo sila ng Filipinas sa naturang torneo.

Bahagi ng paghahanda ng dalawang koponan ang serye para sa 2027 FIFA Women’s World Cup sa Brazil. Ayon sa Filipinas coach na si Mark Torcaso, mahalagang hamon ang New Zealand dahil sa bilis, lakas at pisikal na laro nito.

Muling maghaharap ang dalawang bansa sa ikalawang friendly sa Biyernes, 4 Disyembre, sa parehong venue.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.