
Inihayag ng provincial government ng Cavite na umabot na umano sa ilang mga baybayin ng probinsya ang oil spill mula sa mula sa lumubog na Motor Tanker Terranova sa Limay, Bataan.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, naramdaman na nila ang oil spill kaninang madaling araw at naapektuhan na nito ang baybayin ng Ternate, Maragondon, Naic, at ilang parte ng Tanza.
Nakatakda na umanong magpaabot ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga apektadong lokalidad.
Una na rito, iniulat ng grupo ng mga mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na umabot na sa Tanza ang oil spill, kung saan ang mga mangingisda at mga residente ay nakapansin ng kakaibang amoy sa munisipyo.
Sinabi nito na mahigit 5,000 mangingisda ang maaaring maapektuhan ng oil spill at nagpahayag ng pag-aalala na maaaring mahawahan nito ang fishery resources at makaapekto sa farm gate prices.
Nitong Lunes, naglabas ng video at larawan ang Pamalakaya kung saan makikita ang bakas ng langis sa may baybayin ng Tanza.
Sa isang statement, sinabi ni Pamalakaya Vice Chairperson Ronnel Arambulo, nangyari na ang kanilang kinatatakutan na pagkalat ng langis sa kalakhan ng Manila Bay at pagkaperwisyo ng kabuhayan ng maraming mangingisda.
Dagdag niya, sa bayan pa lamang ng Tanza, tinatayang mahigit 5,000 mangingisda na ang maaapektuhan kung hindi agarang mapigilan ang pagkalat ng langis.
Daing din ng grupo na hind pa man sila nakakabawi mula sa epekto ng nagdaang bagyong Carina at Habagat, panibagong dagok nanaman ang kanilang kinakaharap at bigo umano mga kinauukulan na matugunan ang epekto ng tumagas na langis.
Una rito, base sa report mula sa UP Marine Science Institute, kinumpirma nitong tinatayang umabot ang tumagas na langis sa lalawigan ng Bulacan at Cavite.
Samantala, una naman ng sinabi ng PCG na kanilang sisikaping maselyuhan ang lahat ng 9 na tank valves ng industrial fuel oil mula sa MT Terra Nova na may tagas bago tuluyang isagawa ang siphoning o pagsipsip sa kargang langis ng lumubog na motor tanker.