
Mariing itinanggi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may plano siyang tumakbo bilang senador sa 2025 midterm elections taliwas sa mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na tatakbo ang kanyang ama at mga kapatid sa Senado.
Ayon sa dating Pangulo, wala pa umano silang desisyon kung sakali at hindi umano dapat paniwalaan ang sinabi ni VP Sara.
Bukod kasi sa dating pangulo ay isinama pa ng Vice President sina Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte at Davao City First District Representative Paolo Duterte na tiyak ang pagtakbo sa pagkasenador sa susunod na taon.
Dagdag pa ng dating Pangulo, hindi nila alam ang gagawin nilang mag-aama sa Senado kung sakaling manalo man sila.
Sinabi rin ni Duterte na hindi umano siya kinonsulta ni VP Sara bago gawin ang pahayag at ipapaubaya na lamang niya sa Maykapal ang kapalaran nito sa halalan.
Nitong nakaraan, isang political analyst ang nagsabing wala naman magagawa ang sambayanan kung sakaling tatakbo nga ang mga Duterte para sa mga Senate seats sa 2025.
Ayon kay Prof. Mark Anthony Baliton kung kagustuhan man nila na tumakbo para sa Senado sa susunod na taon ay karapatan nila ito at kung iboboto man sila ng mamamayang Pilipino ay wala ring magagawa ang sinuman laban dito, dahil na rin sa isang demokratikong bansa ang Pilipinas.
Naniniwala naman ito na matatalinong botante ang mga Pilipino at alam na ng publiko kung ano ang tama at mali.
At sa oras man na magkaroon ng political dynasty sa bansa ay wala ring ibang pwedeng sisihin ang mga Pilipino kundi sila mismo na nagluklok sa mga pulitiko sa kapangyarihan.
Kung matatandaan, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malaya ang mga Duterte na tumakbo kung ito ang kanilang nais.
Pero giit ng Pangulo, maaga pa para pag-usapan ang 2028 dahil marami pang pwedeng mangyari at magiging malinaw lang ang sitwasyon pagsapit ng Oktubre o sa filing ng certificates of candidacy.
Dito kasi umano magkakaalaman kung sino-sino talaga ang mga tatakbo sa eleksyon.