
(FILES) DOJ Secretary Crispin 'Boying' Remulla
Inihayag ng Department of Justice (DoJ) na pinayagan na umano ng korte ng Timor Leste ang kahilingan ng Pilipinas na ibalik na sa bansa si dating Negros Oriental Third District Representative Arnolfo Teves Jr.
Ayon sa pahayag ng DoJ, inaabangan na nito ang pagdating ni Teves sa bansa upang papanagutin umano sa insidente ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at ilan pang sibilyan noong nakaraang taon.
Si Teves ang utak umano nang nangyaring pagpatay pero itinanggi ito ng mambabatas hanggang sa mapatalsik siya sa puwesto.
Kung matatandaan, nakaraang Marso nang dakpin si Teves habang naglalaro ng golf sa Timor-Leste. Kasunod nito ang pagdinig sa hiling ng Pilipinas na ibalik siya sa bansa para litisin.
Pero ilang linggo lang ang nakararaan nang ilagay si Teves sa house arrest ng korte habang hinihintay ang pasya sa kaniyang extradition case.
Samantala, pinasalamatan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang gobyerno ng Timor Leste matapos ang naging pag-apruba nito sa kanilang extradition request laban kay Teves.
Ayon kay Remulla, inaasahan nito ang araw na ihaharap na sa korte ang dating mambabatas para harapin ang kanyang mga kaso.
Binigyang diin pa ng kalihim na hindi lang ito tagumpay ng DOJ kundi ng buong Pilipinas at para sa bawat Pilipinong naniniwala na ang criminal justice sa bansa ay tunay na gumagana.
Dagdag pa niya, haharap na rin sa wakas si Teves sa korte at masisimulan na ang delayed pagdinig sa kanyang mga kaso.
Samantala, ang pag-apruba ng Timor Leste sa extradition request ng gobyerno ng Pilipinas laban kay Teves ay kinumpirma ng kanilang Attorney-General.