
Inihayag ni United States Maritime Security expert na si Ray Powell nitong nakaraan na hindi umano aksidente at hindi rin umano misunderstanding ang nangyaring bayolenteng insidente sa Ayungin Shoal noong nakaraang linggo.
Ayon kay Powell, unfortunate ang nangyari sa Ayungin shoal kung saan nagkaroon ng alterkasyon sa pagitan ng Chinese Coast Guard at ng mga tauhan ng Philippine Navy kung saan isang sundalo ang naputulan ng daliri.
Dagdag niya, bagamat ang ideya sa likod ng paggamit ng naturang mga termino ay para mapahupa o made-escalate ang sitwasyon sa West Philippine Sea, kailangan pa rin umano na maging maingat kapag isinasaalang-alang ang de-escalation upang hindi mahulog sa bitag.
Sinabi rin ni Powell na maaaring sundutin ng China ang de-escalation na ito bilang pagkakataon para muling igiit ang pabor sa kanila tulad ng ginawa nito pagkatapos ng standoff noong 2012 nang sakupin nito ang Scarborough Shoal na tinatawag ding Panatag Shoal at Bajo de Masinloc.
Giit pa niya, maaaring baguhin kung iniiwasang tawagin ito bilang isang armadong pag-atake pero hindi ito matatawag na isang aksidente lang.
Ginawa ng US maritime security expert ang pahayag matapos sabihin ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na siya ring tumatayong chairman ng National Maritime Council, na ang mas agresibong aksiyon ng Chinese forces laban sa tropa ng Pilipinas para harangin ang resupply mission sa Ayungin noong nakalipas na Lunes ay marahil isang hindi pagkakaunawaan o isang aksidente.
Sinabi din ni Bersamin na hindi pa umano maiuuri ito bilang isang armadong pag-atake.
Samantala, pinagpaplanuhan na ng Indonesian Coast Guard (BAKAMLA) at Philippine Coast Guard (PCG) kung paano pa lalong mapalawak ang kanilang kulaborasyon para maisulong ang mas malawak na maritime cooperation.
Ito ay kasunod ng pagpupulong na isinagawa sa pagitan ng dalawang Coast Guard kung saan napag-usapan dito ang posibilidad ng joint training, ilang maritime challenges, at iba pang aspeto ng bilaterial relationship sa pagitan ng dalawa.
Noong Sabado ay bumisita sa Pilipinas ang Indonesian CG sa pangunguna ni director of sea operation, First Adm. Basri Mustari na mainit namang tinanggap ni PCG commandant Adm. Ronnie Gil Gavan.