

Napaulat nitong Lunes na nagkaroon umano ng banggaan ang mga barko ng Pilipinas at China sa Ayungin Shoal na isang submerged reef sa may Spratly Islands sa West Philippine Sea.
Ayon sa ulat na inilabas ng China Coast Guard, sinabi nito na binalewala umano ng resupply ship ng Pilipinas ang maraming beses na babala mula sa panig ng China at inakusahan din nito ang barko ng Pilipinas na lumapit sa unprofessional na paraan na nagresulta umano sa banggaan.
Pinaratangan din ng CCG ang barko ng Pilipinas na ilegal umanong pumasok sa karagatan malapit sa Ayungin shoal sa Spratly Islands at dagdag nito, nagsagawa umano ito ng control measures laban sa barko ng Pilipinas alinsunod sa batas.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang panig ng PH kaugnay sa pinakabagong insidente sa Ayungin shoal sa WPS na saklaw ng exclusive economic zone ng ating bansa.
Samantala, naglabas ng pahayag ang Philippine Coast Guard kaugnay sa napaulat na pagpapadala ng China ng amphibious assault ship sa Spratly Islands.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, layunin ng deployment ng naturang barko ng People’s Liberation Army Navy ng China na pigilan ang mga isinasagawang scientific survey ng civilian Filipino scientists sa bahagi ng Escoda Shoal o tinatawag ding Sabina Shoal na nasa hilagang silangan ng Dangerous ground sa Spratly Islands.
Ginawa ng opisyal ang pahayag bilang tugon sa inilathala ng isang tabloid newspaper ng Chinese Communist Party na namataan sa kauna-unahang pagkakataon na main amphibious warship ng PLA Navy na isang Type 071 amphibious landing ship sa Spratly Islands sa WPS noong Hunyo 4.
Sinundan ito ng isang amphibious assault ship ng PLA Navy na Type 075 landing helicopter dock na namataan malapit sa Zhubi Jiao o tinatawag ng PH bilang Zamora reef na isang low tide elevation sa Spratly Islands noong Biyernes, Hunyo 14.
Ang hakbang na ito ayon sa mga eksperto ay paghahanda para sa anumang emergency response sa gitna ng pauli-ulit umanong probokasyon ng Pilipinas.
Pero giit ni Tarriela, hindi tamang sabihin na pinoprovoke ng Pilipinas ang China sa anumang paraan at dapat ding bigyang-diin ang katotohanan na ang paglala ng tensyon sa West Philippine Sea ay direktang resulta ng ilegal na presensya ng mga barko ng China, mga ginagawa nitong bullying tactics at provocative actions.