
Inihayag ng Department of Migrant Workers nitong nakaraan na tatlong overseas Filipino workers umano ang nasawi sa sunog na sumiklab sa isang residential building sa Kuwait noong umaga ng Miyerkules.
Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na smoke inhalation umano ang ikinasawi ng tatlong Pilipino na kasama umano sa 11 OFWs na nagtatrabaho sa iisang Kuwaiti construction company na nasa gusaling nasunog.
Ayon sa DMW, nananatiling nasa kritikal na kondisyon ang dalawang OFWs na nasa ospital habang ang anim na iba pa ay ligtas at hindi nasugatan.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang mga opisyal ng PH sa lahat ng pamilya at kamag-anak ng 11 apektadong OFWs.
Inatasan na rin ng kalihim ang OWWA at Migrant Workers Office sa Kuwait na makipagtulungan sa pagsisikap ng Embahada ng PH sa Kuwait para marepatriate ang labi ng tatlong nasawing OFWs.
Tiniyak naman ni Cacdac na magbibigay ang pamahalaan ng kinakailangang tulong at suporta para sa OFWS at kanilang mga pamilya alinsunod sa diriektiba ng Pangulo.
Una rito, sa inisyal na ulat pumalo na sa 49 na katao ang nasawi sa sunog na sumiklab dakong alas-4:30 ng umaga noong Hunyo 12 sa gusaling nagsisilbing dormitoryo ng mga dayuhang manggagawa ng isang Kuwaiti construction company sa coastal city ng al-Mangaf sa timog na bahagi ng Kuwait city.
May naaresto na ang mga otoridad sa Kuwait sa nangyaring pagkakasunog ng isang gusali na ikinasawi ng 49 katao.
Ayon kay Kuwaiti Foreign Minister Abdullah Al-Yahya, na mayroong tatlong katao na ang nakakulong dahil sa suspected manslaughter.
Magugunitang nasunog ang anim na palapag na gusali kung saan karamihan sa mga nasawi ay Indian nationals at may tatlong Filipino.
Maraming mga nasugatan rin sa insidente na kasalukuuyang nagpapagaling sa pagamutan.
Patuloy na inaalam pa ng mga otoridad ang pinakamotibo ng mga suspek sa nasabing insidente.