
Iniimbestigahan ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang nag-viral na video ngayon kung saan makikitang dalawang lalaki ang humawak ng mga tarsier sa Polomok, South Cotabato.
Umani ng batikos ang dalawang lalaki sa video pero depensa nila, inilipat lamang nila ng lugar ang mga hayop.
Batay sa video, makikita ang dalawang lalaki na tila tuwang-tuwa matapos dakmain ang dalawang tarsier sa Barangay Maligo pero umani ito ng mga batikos.
Sa isang panayam, sinabi ng mga vloggers na inilipat lamang nila ang mga ito dahil nililinis nila ang bahagi ng taniman ng kanilang kaanak kung saan nakita ang mga tarsier.
"Malapit namin silang matamaan ng bolo. Sabi ko… 'Kunin na lang natin, i-transfer natin sa ibang area.' Kinuha namin, walang isang oras, nailipat na," sabi ng isa sa mga dumakma sa tarsier.
Matapos nito, pinakawalan din umano ang mga tarsier, base sa in-upload na rin nilang video.
Nabasa ng lalaki ang mga negatibong komento sa social media.
"Humihingi ako ng tawad sa mga nangba-bash kung para sa inyo mali ang ginawa ko. Pero para sa akin tama ang ginawa ko kasi kung hinayaan ko lang sila roon, wala na silang matitirahan," sabi ng isa sa mga dumakma sa tarsier.
Iniimbestigahan ng DENR Soccsksargen ang insidente habang tinatalakay nito ang mga magiging susunod na hakbang.