
Iniulat ng mga otoridad nitong nakaraan na isang batang babae na dinukot umano kamakailan ang natagpuang duguan at walang damit pang-itaas sa isang damuhan sa General Santos City at ang hinala nila ay ginahasa umano ang biktima.
Batay sa mga ulat, sinabing isang residente ang nakakita sa batang babae na naglalakad sa damuhan at humingi umano ng tulong ang bata dito.
Base sa imbestigasyon, inilahad ng tatay ng batang babae na nawala ang kaniyang anak noong sila ay natutulog at posible umanong may dumukot sa bata sa loob mismo ng kanilang bahay.
Ayon naman sa kuwento ng biktima, nakasuot ng maskara at sumbrero ang dumukot sa kaniya.
Nakitaan ng senyales na ginahasa ang bata sa inisyal na resulta ng kaniyang medical examination.
Patuloy na nagpapagaling sa ospital ang bata.
Samantala, Isang 11-anyos na batang babae ang sinaktan at ipinasok pa umano sa kulungan ng baboy ng kaniyang ina at mga tiyuhin nang hindi niya masunod ang utos nito sa Talisay, Negros Occidental.
Batay sa imbestigasyon, nakatakas umano ang bata at humingi ng saklolo sa isang mag-asawang residente sa lugar matapos ang naranasang pagmamaltrato umano.
Napag-alaman ng pulisya na nag-umpisang saktan ang bata noong anim na taong gulang pa lamang siya.
Dinakip na ang nanay ng bata at ang tatlo niyang tiyuhin, na hindi nagbigay ng pahayag.
Sa ibang balita, isang lalaki na kabilang sa most wanted list ng Metro Manila ang hinuli ng mga otoridad dahil sa panggagahasa umano sa menor de edad niyang pinsan noong 2022 sa Maynila.
Ikinasa ng mga operatiba mula sa Manila Police District Station 11 ang operasyon nang matanggap nila ang arrest warrant laban sa lalaki at inihain ito pagkalapag ng kanyang eroplano sa paliparan.
Nahaharap ang suspek sa three counts ng statutory rape dahil sa panghahalay sa biktima.
Nangyari umano ang krimen sa bahay ng tinutuluyan niyang tiyahin noong nagtatrabaho siya sa Maynila.
Nakatanggap ng impormasyon ang MPD na nagtatago ang suspek sa Surigao, kaya gumawa raw ng mga hakbang ang pulisya para makabalik siya sa Maynila.
Kabilang na rito ang pagkuha ng informant na nagpanggap na nag-aalok ng trabaho sa akusado, na agad-agad namang bumalik sa lungsod dahil dito.