
Nagsimula na ang proseso ng paglipat kay Mary Jane Veloso, ang overseas Filipino worker na nahatulan ng kamatayan ng Indonesian government subalit nagpahayag naman ng panghihinayang ang pamilya Veloso dahil hindi na matuloy ang kanilang biyahe patungong Indonesia para bisitahin siya.
Sa pahayag ng pamilya, nakatanggap sila ng sulat mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi na matutuloy ang kanilang biyahe na nakaiskedyul sana bukas December 16 hanggang 17.
Batay sa sulat ng DFA na ngayong araw nakatakda ibiyahe si Mary Jane papuntang Jakarta para simulan ang proseso para sa kaniyang pag transfer pabalik ng bansa.
Ang paglipat kay Mary Jane sa Jakarta ay batay sa kautusan ng Indonesian Ministry for Law, Human Rights, Immigrations and Corrections.
Sa ngayon wala pang takdang araw o petsa kung kailan makakauwi ng bansa si Mary Veloso.
Kung maalala sinabi ng pamahalaan na bago mag pasko makakauwi na ng bansa ang Pinay drug mule convict.
Ang pag-uwi ni Veloso sa bansa ay matapos pumayag ang gobyerno ng Indonesia na pauwiin ito ng Pilipinas ng walang anumang kondisyon.
Sa pahayag ng pamilya Veloso na sila ay nanghihinayang na hindi matutuloy ang pagbisita nila kay Mary Jane lalo at kanila na itong pinaghandaan.
Batay sa statement ng pamilya sila ay nasasabik na makasama si Mary Jane makalipas ang isang taon mula ng huli nila itong binisita.
Sa kabilang dako, inihayag ng pamilya na sila ay masayang masaya dahil malapit na ang pag-uwi ni Mary Jane sa bansa.
Hindi naman nabanggit ang dahilan ng kanselasyon ng biyahe ng pamilya Veloso.
Samantala, lubos naman ang kanilang kasiyahan ngayong nasimulan na ang proseso ng tuluyang pagbabalik bansa ni Mary Jane Veloso na dinala na sa kabisera ng Jakarta.
Nitong Linggo, nang ipag-utos ng Indonesian authorities ang pagdadala kay Veloso sa Jakarta kung saan ilalakad ang pagproseso ng paglipat ng kaniyng kustodiya sa Pilipinas.
Ayon naman kay DFA USec. Eduardo de Vega, mananatili si Veloso sa Jakarta hanggang sa kaniyang paglipat na wala pang tiyak na petsa sa ngayon subalit inaasahang maisasagawa ito sa lalong madaling panahon.