
Inihayag ng mga lider ng House of Representatives na wala umano sa kanilang agenda ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte matapos ang naging rant ni VP Sara laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Binigyang-diin ito nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipeat ipinunto nila na bagamat seryoso ang Kamara na magkaroon ng transparency at accountability sa gobyerno nakatuon umano ang mga imbestigasyon ng mga komite nito sa paghukay sa katotohanan.
“Let us work together to ensure that governance remains focused on what truly matters—delivering results and improving the lives of our people – while fulfilling all constitutional mandates with integrity and impartiality,” dagdag pa ng mga ito.
Sa ilalim ng Konstitusyon, maaaring magsampa ng impeachment complaint ang sinumang Pilipino laban sa sinumang impeachable na opisyal ng gobyerno. Gayunpaman, ang petisyon ay kailangang iendorso ng isang miyembro ng Kamara para ito ay maaksyunan ng Kapulungan.
Ang mga tuntunin ng Kamara sa impeachment ay nagsasaad ng proseso at mga timeline para sa pagsasaalang-alang at pag-aksyon sa isang impeachment complaint.
Ang isang impeachment petition na nilagdaan ng hindi bababa sa one-third ng lahat ng miyembro ng Kamara ay maaari nang iakyat agad sa Senado para sa isasagawang paglilitis.
Samantala, posible umanong managot si VP Sara sa mga paglabag sa Anti-Terrorism Act, ang isa sa mga batas na nilagdaan ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2020 bunsod ng kanyang pagbabanta sa buhay nina , Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang pagbabanta ni VP Sara y iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) at isa sa posibleng kaso na maaaring kaharapin nito ay ang Anti-Terrorism Act.
Binatikos din ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun ang mga naging pahayag ni Duterte na layunin ng mga hakbang ng otoridad ay i-freeze ang kanyang mga ari-arian at inihalintulad ito sa sinapit ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na tinawag nitong “Arnie Teves playbook.
Ipinunto ni Khonghun na ang mga nangyayari kay Duterte ay bunga ng kanyang mga ginawa at hindi ng gobyerno.
Kung matatandaan, inakusahan ni Duterte na hindi na bago ang mga istilo upang i-freeze ang kanyang mga ari-arian na katulad ng mga taktika na ginamit laban kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na kinasuhan ng terorismo, na aniya’y bahagi ng isang “malaking plano” laban sa kanya.
Pinabulaanan din ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang pahayag ni Duterte, na sinasabing tanging siya lamang ang dapat sisihin sa kanyang mga aksyon.
Binigyang-diin niya ang bigat ng umano’y pagbabanta ni Duterte laban sa mga mataas na opisyal, kabilang na si Pangulong Marcos.
Nagsimula na ang NBI ng imbestigasyon ukol sa mga pahayag ni Duterte, sa posibleng paglabag sa Anti-Terrorism Act.
Sinusuri ng ahensya kung ang kanyang mga pahayag ay maituturing na grave threats ayon sa tinatadhana ng batas.