Zverev, nahaharap sa panibagong kaso

Napangiwi si Alexander Zverev sa kasagsagan ng kanyang laban kontra Arthur Fils sa ATP Finals, sa Turin nitong Huwebes, 19 Nobyembre.
Photograph courtesy of AFP
LONDON, United Kingdom — Sinabi ng mga abogado ng world No. 1 na si Alexander Zverev sa BBC na haharapin niya ang panibagong kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y maling paglalarawan niya sa naging resulta ng paglilitis sa kasong domestic abuse.
Humihingi ng danyos at kautusang magbabawal kay Zverev na muling gumawa ng katulad na pahayag ang dati niyang kinakasama na si Brenda Patea.
Noong Oktubre 2023, pinatawan si Zverev ng penalty order dahil sa pananakit kay Patea, na mayroon siyang anak. Kinuwestiyon niya ang kautusan at mariing itinanggi ang mga paratang.
Nagsimula ang paglilitis sa Berlin noong Hunyo 2024, ngunit itinigil ng korte ang mga pagdinig. Nagkaroon din ng hiwalay na kasunduan sa pagitan nina Zverev at Patea.
Noong Setyembre, lumabas ang balita na naghain ang mga abogado ni Patea ng kasong sibil sa Berlin kaugnay ng panayam kay Zverev na inilathala ng French sports newspaper na L’Equipe noong Hunyo, isang araw matapos niyang makuha ang una niyang Grand Slam title sa Roland Garros.
Ayon sa reklamo, iniulat ng L’Equipe na sinabi umano ni Zverev na, “my innocence has been proven”.
Nais ng nagsampa ng kaso na pagbawalan si Zverev, 29, na ulitin ang pahayag sa ilalim ng parusang multa na aabot sa 250,000 euros (£209,000). Humihingi rin si Patea ng danyos dahil sa naging epekto sa kanya ng mga pahayag.
“Hindi siya napatunayang nagkasala, pero hindi rin siya napawalang-sala at lumagda sila sa isang kasunduan kung saan nangako siyang hindi na magsasalita tungkol sa kasong ito,” sinabi ni Patea lawyer Michael Scheele sa BBC.
Kinakatawan si Zverev ng Berlin law firm na Schertz Bergman.
Sinabi ng mga abogado niya sa BBC: “Our client will defend himself against the lawsuit. If the statement attributed to him was indeed made in the form alleged, we consider it to be a permissible expression of opinion protected by Article 5(1) of the German Basic Law.”
Naganap ang kasunduan sa labas ng korte noong Hunyo 2024, kasabay ng pagpasok ni Zverev sa French Open final sa unang pagkakataon.
Nang tanungin noon kung pinagsisisihan niyang hindi niya nagamit ang pagkakataong lubusang linisin ang kanyang pangalan, sumagot si Zverev: “That’s what dropping the case is. That is innocence.”
Dagdag pa niya: “We move on. I never ever want to hear another question about the subject again. That goes out to everybody.”







