Giannis, Heat kuha na tamang timpla

Matapos malubog sa unang bahagi ng 2026-2027 NBA season, bumanat ng apat na sunod na panalo ang Miami Heat sa likod ng mainit na tambalan nina Giannis Antetokounmpo at Bam Adebayo matapos padapain ang Detroit Pistons, 137-117, Linggo, 15 Nobyembre.
Nagsimula sa 0-4 ang kanilang kampanya sa unang apat na laban, ngunit tila bumaliktad ang takbo para sa Miami Heat at naiangat nito ang kartada sa 7-6 upang makabalik sa winning record sa mabigat na Eastern Conference.
Nagtala si former MVP Giannis ng 34 puntos, 14 rebounds at walong assists upang pangunahan ang pagwasak sa Pistons.
Kasabay nito, nag-ambag naman si center Bam Adebayo ng 20 puntos upang patuloy na palakasin ang kanilang nag-iinit na tandem.
Bago ang laban kontra Pistons, tinalo rin nila ang Cleveland Cavaliers, 133-121, sa kanilang bahay upang makuha ang momentum sa kanilang pag-angat. Tangan ang 6-6 na kartada bago ang naturang laban, kumambiyo ang Giannis-Bam na kombinasyon matapos kapwa magtala ng 37 puntos upang pataubin ang Cavs.
Malaking tulong din ang ibinibigay ng kanilang point guard na si Davion Mitchell na nagtala ng 22 puntos at 17 assists kontra Cavs, at 15 puntos at siyam na rebounds kontra Pistons, sapat upang alalayan ang dalawa sa pagtitimon ng Heat.
May average naman ang batang point guard ng 16.8 puntos at 9.8 assists ngayong season.
Kakaharapin ng Heat sa Lunes ang Houston Rockets na galing din sa panalo kontra Utah Jazz sa likod ng 40 puntos ni center Alperen Sengun. Susunod namang haharapin ni Giannis ang dati niyang koponan na Milwaukee Bucks sa Miyerkules, 18 Nobyembre.
Nananatili naman sa malinis na 2-0 ang Heat sa kanilang NBA Cup group stage matapos ang panalo kontra Cavaliers, sa gitna ng mabigat na East Group B na kinabibilangan din ng Indiana Pacers, defending champions na New York Knicks at Philadelphia 76ers.







