Legarda: Pagtutok sa ekonomiya ang dapat unahin sa 2027 budget

Nanawagan si Sen. Loren Legarda sa Kongreso na tanggalin ang mga hindi makatwirang gastusin sa panukalang 2027 national budget. Iginiit niya na dapat protektahan ang pondo para sa mga proyektong lumilikha ng trabaho, nagpapababa ng gastusin, at nagpapalakas ng ekonomiya.
Ayon sa senador, sa gitna ng pagbagal ng ekonomiya at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kailangang maging mas maingat ang pamahalaan sa paggastos. Gayunman, nagbabala siyang hindi dapat basta-basta magbawas ng pondo, lalo na sa mga proyektong may malinaw na pakinabang sa publiko.
“Sa sarili nating bahay, pinapatay natin ang mga ilaw at appliances na hindi ginagamit at isinasara ang gripo para walang masayang. Bakit sa budget ng gobyerno, hahayaan natin ang mga gastusing hindi naman kailangan? Dahil ba hindi natin sariling pera? Pera ito ng taumbayan. Mas dapat pa nga natin itong ingatan kung tutuusin,” ani Legarda.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumago lamang ng 2.1 porsiyento ang ekonomiya sa ikatlong quarter ng 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Nasa 0.1 porsiyento naman ang paglago nito kumpara sa naunang quarter. Samantala, umabot sa 7.8 porsiyento ang inflation noong Oktubre, habang nasa 5.4 porsiyento ang unemployment rate noong Setyembre.
Nagbabala si Citi economist Johanna Chua sa posibilidad ng “stagflation or slowflation,” isang sitwasyon kung saan mabagal ang paglago ng ekonomiya habang mataas ang pagtaas ng presyo. Gayunman, sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development Secretary Arsenio Balisacan na maaga pa upang sabihing nakararanas na ng stagflation ang bansa.
Para kay Legarda, sapat nang dahilan ang mga datos na ito upang masusing suriin kung saan dapat ilaan ang pondo ng pamahalaan.
Tinukoy ng senador ang pagsusuri ng People's Budget Coalition na nagpapakitang nadagdagan ng ₱42.73 bilyon ang pondo para sa mga multipurpose building ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bersiyon ng 2027 budget na inaprubahan ng Kamara. Dahil dito, umabot sa humigit-kumulang ₱83.71 bilyon ang panukalang alokasyon para sa mga nasabing proyekto.
Kasabay nito, iniulat na mas mababa nang humigit-kumulang ₱19.7 bilyon ang pondo para sa Metro Manila Subway at ₱15 bilyon para sa North-South Commuter Railway kumpara sa orihinal na panukala ng Executive Branch.
“We should ask whether our budget choices make economic sense. Why increase funding for projects whose need or readiness has yet to be demonstrated while cutting proposed allocations for mass transit that can reduce travel time and improve productivity? This does not mean every large rail project should automatically receive its full requested budget. We must verify construction schedules, actual funding requirements and measurable public benefits. Every peso should withstand that scrutiny,” ani Legarda.
Binigyang-diin ng senador na kailangang tiyaking napupunta ang pondo sa mga proyektong tunay na kailangan at kayang maipatupad. Hindi aniya sapat na malaki ang inilaan na budget kung hindi naman malinaw kung kailan matatapos ang proyekto at kung paano ito mapakikinabangan ng mamamayan.
Sinabi rin ni Legarda na sa pamamagitan ng mas maayos na paggastos, maaaring mapigilan ang paglaki ng budget deficit at mabawasan ang pangangailangan ng pamahalaan na mangutang. Sa paglipas ng panahon, makatutulong din ito upang mabawasan ang pressure na magpataw ng mga bagong buwis. Gayunman, anumang tax relief ay dapat naaayon sa kakayahan ng pamahalaan at dumaan sa wastong proseso ng batas.
Kaugnay nito, inihain ng apat na terminong senador ang Proposed Senate Resolution No. 777, na humihiling sa Senate Committee on Finance na magsagawa ng pagdinig upang suriin ang panganib ng stagflation sa bansa at alamin kung sapat ang mga hakbang sa panukalang 2027 national budget upang tugunan ang mga suliranin sa ekonomiya.
Sa ilalim ng resolusyon, hinihiling ang pagdalo ng mga economic at development manager ng pamahalaan upang ipaliwanag ang kalagayan ng ekonomiya at ang mga prayoridad sa pambansang budget.
Isinusulong din sa resolusyon ang pag-alis sa mga lokal na proyektong maliit ang pakinabang ngunit nagpapalaki sa kabuuang gastusin ng pamahalaan. Sa halip, nais ni Legarda na ilaan ang pondo sa mga proyektong may mas malawak na epekto sa ekonomiya, kabilang ang mga mass transit project na may tulong mula sa ibang bansa, mahahalagang imprastrukturang panlipunan, at mga programang nagbibigay ng proteksyon sa mga nangangailangan batay sa malinaw na mga patakaran.
Naniniwala ang senador na makatutulong ang ganitong paraan upang mabawasan ang pangungutang ng pamahalaan, matugunan ang mga dahilan ng pagtaas ng presyo, at mapagaan ang araw-araw na gastusin ng mga pamilya.
Pagdating naman sa presyo ng petrolyo, nanawagan si Legarda na pag-aralan ang posibilidad ng karagdagang pansamantalang bawas sa excise tax sa ilalim ng Republic Act No. 12316, partikular sa diesel. Binigyang-diin niyang kailangang may mga safeguard upang matiyak na ang anumang matitipid sa buwis ay talagang mapapakinabangan ng mga mamimili.
“With better planning and more disciplined spending, we can contain the deficit and reduce our borrowing requirements. Over time, that also eases the pressure to raise taxes just to finance avoidable expenses. Hindi natin kailangang gipitin ang taumbayan para pondohan ang mga gastusing hindi naman kailangan. Families should have more room in their budgets for their own priorities. When people can afford to spend, and feel confident enough to do so, local businesses benefit and economic activity grows,” ani Legarda.
Ipinaliwanag pa ng senador na may mahalagang papel ang paggastos ng pamahalaan sa pagpigil sa mas matinding pagbagal ng ekonomiya, basta't napupunta ito sa mga proyektong may malinaw na pakinabang.
Halimbawa, ang agarang pagkukumpuni ng mga kasalukuyang pasilidad sa transportasyon ay maaaring magbigay ng trabaho, habang ang mga maayos na pinagplanuhang mass transit project, rehabilitasyon ng mga irigasyon, at mga proyektong magtitiyak ng sapat na suplay ng tubig ay makatutulong upang mapalakas ang produksyon at ekonomiya sa mga darating na taon.
Iginiit ni Legarda na dapat may makatotohanang iskedyul ang mga proyekto, transparent ang proseso ng procurement, at malinaw na nasusukat ang mga resulta upang matiyak na hindi nasasayang ang pondo ng bayan.







