

Pormal nang inanunsyo ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pagtakbo sa pagka-presidente sa 2028 elections sa isang press conference nitong Miyerkules, 18 Pebrero 2026.
Sa kanyang pahayag, hinarap ni Duterte ang mga kritiko at binalikan ang kanyang naging karanasan sa politika, kabilang ang mga naunang reklamong impeachment.
“Hinding-hindi ako natakot sa pagsira nila sa pangalan ko. Ngunit, may takot ako para sa ating mga anak. May takot ako para sa susunod na henerasyon,” ani Duterte.
Tinuligsa rin ng bise presidente si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ayon sa kanya ay nabigong tuparin ang mahahalagang pangako sa taumbayan.
“Sa unang mga buwan ng aming mga termino, nakita ko na ang kawalan ng katapatan ni Bongbong Marcos Jr. sa mga pangakong binitawan noong kampanya, pati na sa kanyang sinumpaang tungkulin para sa bayan.”
Humingi rin siya ng paumanhin sa publiko kaugnay ng mga kakulangan ng pamahalaan. Binanggit niya ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, madalas na pagbaha, mga usapin sa food security, at iba pang suliraning kinahaharap ng bansa.
Na-impeach si Duterte noong 2025 dahil sa mga paratang na kinabibilangan ng graft and corruption, at isang umano’y assassination plot laban kay dating kaalyado at running mate na si Pangulong Marcos.
Noong Enero, pinagtibay ng Korte Suprema ang nauna nitong desisyon na nagdedeklarang unconstitutional ang Articles of Impeachment laban kay Duterte.