Glaiza de Castro, full support kay Lexi Gonzales

Hindi na naitago ang excitement ng Kapuso actress na si Glaiza de Castro para sa kaibigang si Lexi Gonzales matapos itong opisyal na pumasok bilang housemate sa “Pinoy Big Brother Collab 3.0.”
Isa si Glaiza sa mga pinaka-supportive na tagasuporta ni Lexi, na una niyang nakasama sa reality competition ng GMA Network na “Running Man Philippines” noong 2022, dahil naniniwala siyang maraming magagandang katangian ang kaibigan na mas makikilala pa ng publiko.
Ipinakilala si Lexi noong Nob. 22 bilang isa sa mga bagong housemate ng nasabing reality show.
“Sobra akong excited sa kanya. Masasabi ko na mas makikilala siya ng tao rito talaga bilang bubbly girl. Ever since naman talaga, si Lexi ay napaka-bubbly na tao,” sabi ni Glaiza sa isang panayam.
Bukod sa pagiging masayahin at palangiti, umaasa rin si Glaiza na masisilayan ng mga manonood ang mas mature na bahagi ng pagkatao ni Lexi na hindi palaging napapansin.
“There’s also a maturity in her na hindi rin laging nakikita ng tao. I hope na makita ‘yun dito sa PBB,” wika niya.
“Nakakahanga rin si Lexi sa mindset na meron siya at sa pagiging independent niya, especially now that she’s becoming more of an adult,” dagdag ng aktres, bago nagbigay ng maikli ngunit taos-pusong mensahe: “Good luck, Lexi!”
Kasabay ni Lexi na pumasok bilang mga bagong housemate sina Eugene Reggio, Race Matias, Victoria Vargas at Yza Uy.
Samantala, nakatakda ring mapanood si Glaiza sa bagong Kapuso series na “Amir,” kasama sina Dennis Trillo, Argus Aspiras, Will Ashley, Heath Jornales, Joel Saracho, Ronnie Lazaro at Mon Confiado.







