Skip to content
DYARYO TIRADA

2016 Arbitral Ruling sa WPS dapat pa ring ipagtanggol

2016 Arbitral Ruling sa WPS dapat pa ring ipagtanggol
Text size

Dapat manatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol sa 2016 arbitral ruling hinggil sa South China Sea sa kabila ng patuloy na pagtanggi ng China na kilalanin ang desisyon, ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela.

Sa panayam sa radyo kasunod ng Manila Dialogue on the South China Sea, hinimok ni Tarriela ang mga Pilipino na patuloy na labanan ang maling impormasyon at igiit ang kahalagahan ng international law sa pagresolba ng mga alitan sa karagatan.

“Hindi tayo dapat magsawa sa pagsasalita laban sa mga kasinungalingan at maling impormasyon,” saad ni Tarriela.

Inilarawan niya ang arbitral award na inilabas noong 12 Hulyo 2016 bilang isang makasaysayang tagumpay ng Pilipinas at nagbabala laban sa pagmamaliit sa kahalagahan nito.

Ibinasura ng desisyon ang legal na batayan ng malawak na pag-aangkin ng China sa mga karagatang saklaw ng nine-dash line nito. Gayunman, paulit-ulit itong tinanggihan ng Beijing.

Nagbigay ng pahayag si Tarriela kasunod ng palitan ng pananaw sa pagitan niya at ng mga Chinese academic sa Manila Dialogue, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa mahigit 30 bansa, kabilang ang pitong Chinese scholar.

Kinilala niyang inaasahang ipagtatanggol ng mga Chinese participant ang opisyal na posisyon ng Beijing, ngunit nagpahayag siya ng pangamba dahil tila hindi kinikilala ng ilan ang kahalagahan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng arbitral ruling.

Sa kabila nang hindi pagkakasundo, ikinatuwa ni Tarriela ang kanilang paglahok at sinabing mahalaga ang patuloy na pag-uusap upang mapanatili ang kapayapaan at pagkakaunawaan sa rehiyon.

Also read Hiwalayang Arjo-Maine, ‘fake news’

Nilinaw din niya na ang Manila Dialogue ay isang malayang inisyatiba at hindi bahagi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit o ng mga opisyal na pagpupulong nito.

Binigyang-diin ni Tarriela na iisa ang interes ng mga bansang lumahok sa pagpupulong: Mapanatili ang kapayapaan at kooperasyon sa South China Sea, kung saan dapat manatiling malaya sa pananakot at pamimilit ang paggamit sa yamang-dagat at mahahalagang rutang pangkalakalan.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.