Skip to content
DYARYO TIRADA

VP Sara, tutungo sa Hong Kong para makipagpulong sa Filipino Community

VICE President Sara Duterte.

VICE President Sara Duterte.

Photo courtesy of Inday Sara Duterte / FB

Text size

Inihayag ng Office of the Vice President (OVP) na nakatakdang bumiyahe si Bise Presidente Sara Duterte sa Hong Kong mula Nobyembre 6 hanggang 8, 2026 upang dumalo sa ilang aktibidad, kabilang ang pagtitipon na inorganisa ng Filipino Community (FilCom) sa nasabing lugar.

Ayon sa OVP, mayroon nang pahintulot si Duterte mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 98 na inilabas noong Nobyembre 3, 2026, bilang pag-apruba sa kanyang paglalakbay sa ibang bansa. Bukod dito, nakakuha rin siya ng kinakailangang travel authority mula sa Office of the President.

Nilinaw din ng OVP na personal na pondo ni Duterte ang gagamitin upang tustusan ang lahat ng gastusin sa kanyang biyahe. Binigyang-diin ng tanggapan na walang anumang pondo, ari-arian, o pasilidad ng pamahalaan ang gagamitin kaugnay ng kanyang pagbisita sa Hong Kong.

Sa loob ng tatlong araw na pananatili sa Hong Kong, inaasahang makikilahok ang Bise Presidente sa mga nakatakdang aktibidad at makikipag-ugnayan sa mga Pilipinong naninirahan sa nasabing bansa.