Unemployment rate sa Pilipinas, umakyat sa 5.4% noong Setyembre

Bahagyang tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Setyembre, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes, 6 ng Nobyembre.
Batay sa datos ng PSA, umakyat sa 5.4% ang unemployment rate noong Setyembre, katumbas ng 2.86 milyong Pilipinong walang trabaho. Mas mataas ito kumpara sa 5.3% o 2.77 milyong naitala noong Agosto.
Samantala, bahagya namang bumaba ang underemployment rate sa 11% noong Setyembre, mula sa 11.9% noong Agosto. Katumbas ito ng 5.56 milyong Pilipinong may trabaho ngunit naghahangad pa ng karagdagang oras o oportunidad sa paggawa.





