Malawakang baha at mudslide sa Nepal-Tibet, kumitil ng mahigit 160 buhay


Hindi bababa sa 160 katao ang iniulat na nasawi dahil sa malawakang at biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa Himalayan border ng Nepal at Tibet.
Ayon sa mga ulat ng international media, mahigit 400 dayuhan mula sa India, Estados Unidos, Australia, United Kingdom, at iba pang bansa ang napaulat na nawawala matapos ang insidente.
Posibleng nagmula ang flash flood at mudslide sa isang ice-rock avalanche na maaaring na-trigger ng lindol sa bahagi ng Lhende Khola River sa Nepal.
Samantala, kumalat online ang mga CCTV footage na nagpapakita ng tindi ng insidente. Makikita sa mga video ang rumaragasang tubig na tumatangay sa mga tao, gayundin ang pagkasira ng ilang establisyimento at imprastraktura sa lugar.
Nagpahayag naman ng kahandaang tumulong ang Estados Unidos, China, European Union, at India. Nangako ang mga ito na magbibigay ng kinakailangang ayuda, relief supplies, at iba pang suporta sa mga naapektuhan ng kalamidad sa Nepal.