“Kailangan ng DOTr na maghanap pa ng ibang inisyatibo. Hindi namin ipapasa sa commuting public ang problemang ito, at sasaluhin ito ng pamahalaang nasyonal,” ani Dizon.
Bilang tugon, nakatakdang maglaan ang pamahalaan ng mahigit P1.5 bilyong pondo para sa ayuda sa sektor ng transportasyon. Kabilang dito ang P20,000 buwanang ayuda para sa mga tsuper na kabilang sa Public Transport Modernization Program (PTMP), bilang tulong para sa vehicle amortisation, at P12 diskwento kada litro ng gasolina para sa mga public utility vehicles (PUVs).
Dagdag pa ng kalihim, magpapatuloy rin ang pamamahagi ng P2,000 cash assistance sa mga tsuper, sa koordinasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), bilang dagdag na suporta sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
“Based sa usapan namin ni Secretary Rex, isasama na po ‘yung transport group dito sa UPLIFT Cash assistance. So, masasama na po sila sa next UPLIFT assistance natin,", ani Lopez.
Kabilang sa mga nagkansela ng tigil-pasada ang Pasang Masda, ALTODAP, FEJODAP, BUSINA, ACTO, at Stop and Go, matapos ang pakikipagpulong sa DOTr at talakayin ang mga programang inilaan ng pamahalaan para sa mga tsuper at operator.
Ayon kay Pasang Masda National President Roberto Martin, nagpasya silang bawiin ang kanilang tigil-pasada matapos maipaliwanag ng DOTr ang mga tulong na ipatutupad para sa sektor.
“Tungkol po sa mga ipinagkakaloob sa amin ngayon, ako po, bilang pangkalahatang pangulo ng Pasang Masda, kino-call off ko po ang strike namin bukas,” ani Martin.
Samantala, hindi pa tiyak kung babawiin din ng Manibela ang nakatakda nitong tigil-pasada sa Lunes. Ayon kay Chairman Mar Valbuena, pag-uusapan pa ng kanilang grupo ang magiging pinal na desisyon.