EAC umukit ng kasaysayan, abante sa NCAA Final Four

Gumawa ng kasaysayan ang Emilio Aguinaldo College (EAC) matapos makapasok sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Final Four sa unang pagkakataon nang tambakan nito ang College of Saint Benilde, 88-64, sa Season 102 quarterfinals sa Filoil EcoOil Centre nitong Martes.
Mula nang sumali sa liga noong 2009, hindi pa kailanman nakalagpas sa elimination round ang Generals.
Nagbago iyon matapos gamitin ng EAC ang twice-to-beat advantage nito bilang second seed ng Group B upang patalsikin ang Blazers.
Ayon kay Jude Bahay, hindi naging madali ang laban para sa team na nagsimula ng 0–3, at umabot pa sa puntong nagtatalo-talo pa umano sila sa kanilamng mga pagsasanay.
“Nadismaya kami, pero nagtiwala kami sa sistema ni Coach Jerson (Cabiltes),” ani Bahay nagtapos na may 26 puntos, apat na assist, at tatlong rebound.
Naging dikit ang laban sa unang dalawang quarter, kung saan hawak ng Saint Benilde ang 46-43 na kalamangan sa simula ng third quarter. Ngunit nagpakawala ang EAC ng 22-2 run, na tinuldukan ng short stab ni Joseph Nunag upang ibigay sa Generals ang 65-48 na bentahe may 1:27 ang natitira sa yugto.
Pinutol ni Allen Liwag ang run sa pamamagitan ng isang basket, pero tinapos ng EAC ang third quarter na may malaking 69-51 na kalamangan.
Nagdagdag si EJ Castillo ng 15 puntos para sa EAC, habang nag-ambag naman sina Jacob Shanoda at MJ Raymundo ng tig-11 puntos.
Pinangunahan ni Jhomel Ancheta ang Benilde na may 12 puntos, habang ang reigning Most Valuable Player na si Liwag ay nagtala ng double-double na 11 puntos at 11 rebound.
Makakaharap ng Generals ang defending champion na San Beda University sa isang best-of-three semifinal series.







