

Ipinahayag ng Buckingham Palace na handang makipagtulungan si King Charles III sa pulisya habang sinusuri ng mga awtoridad ang panibagong alegasyon na kinasasangkutan ng kaniyang kapatid na si Andrew Mountbatten-Windsor, kaugnay ng pinakahuling dokumentong inilabas na may koneksiyon sa yumaong sex offender na si Jeffrey Epstein.
Kinumpirma ng Thames Valley Police na natanggap nila ang ulat mula sa anti-monarchy group na Republic, na nag-akusa kay Mountbatten-Windsor ng hinihinalang misconduct in public office at posibleng paglabag sa official secrets laws. Ayon sa pulisya, ang impormasyong isinumite ay kasalukuyang sinusuri alinsunod sa kanilang established procedures upang matukoy kung kinakailangan ang pormal na imbestigasyon.
Ang reklamo ay nakabatay sa pinakahuling batch ng Epstein files na inilabas ng United States Department of Justice. Batay sa mga dokumento, may mga email noong 2010 na nagpapakita na umano’y ibinahagi ng dating prinsipe ang ilang detalye na may kaugnayan sa kaniyang tungkulin noon bilang UK trade envoy. Kabilang sa mga ito ang itineraries, visit reports, at mga dokumentong inilarawang confidential matapos ang mga opisyal na biyahe sa Singapore, Hong Kong, Vietnam, at iba pang destinasyon sa Asya.
Sa pahayag ng Buckingham Palace, binigyang-diin ang posisyon ng Hari. Ipinabatid na nagpahayag si King Charles ng matinding pag-aalala sa mga alegasyon at handang suportahan ang pulisya kung kinakailangan.
Muling binuhay ng pinakahuling dokumento ang matagal nang kontrobersiya sa ugnayan ni Mountbatten-Windsor kay Epstein. Ang mga naunang usapin kaugnay sa Epstein scandal ay nakatuon sa mga alegasyon na may kinalaman sa kababaihan, bagay na mariing itinanggi ng dating prinsipe. Patuloy na itinatanggi ni Mountbatten-Windsor ang anumang maling gawain, at ang pagkakabanggit sa Epstein files ay hindi awtomatikong patunay ng paglabag sa batas.
Bagama’t hindi civil servants ang mga trade envoy sa United Kingdom, nakasaad sa parliamentary guidance na may tungkulin silang pangalagaan ang sensitibong commercial, political, at market-related information, kahit matapos ang kanilang termino.
Wala pang pampublikong tugon si Mountbatten-Windsor sa pinakahuling alegasyon.
Samantala, nagpahayag din ng pag-aalala ang Prince at Princess of Wales, na iginiit na nananatiling nakatuon ang kanilang pansin sa mga biktima.