

Nagsampa ng reklamo sa panrehiyong opisina ng Commission on Human Rights (CHR) sa Eastern Visayas ang isang mag-aaral at lider laban sa ilang miyembro ng Tacloban City Police Office at Babatngon Municipal Office dahil sa umano’y panggigipit at pananakot sa kanyang pamilya.
Isang fourth-year political science na estudyante mula sa Leyte Normal University ang nagsabing nagsimula ang panggigipit matapos siyang sumali sa “Baha sa Tacloban” anti-corruption rally na inorganisa ng Kabataan Partylist noong 30 Nobyembre. Ayon sa kanya, ang isang pulis at isang empleyado ng munisipyo ay pumunta sa kanilang bahay noong 1 Disyembre at binalaan ang kanyang ina dahil sa kanyang pagsali sa rally. Sinabihan ang kanyang ina na pigilan siya sa pagsali sa iba pang kilos-protesta sa hinaharap.
Tinanong din daw ang kanyang pagiging miyembro sa iba pang organisasyong pang-estudyante, at pinaparatangan siyang “tagapondo” ng mga grupong ito.
Ang estudyanteng nagsampa ng reklamo ay opisyal ng Junior Jaycees (JJC) Waraynon, isang non-partisan youth environmental organization. Aniya, pakiramdam niya ay hindi siya ligtas na lumabas dahil sa insidente.
Ayon sa CHR, sa isang liham na ipinadala sa Philippine National Police (PNP) Regional Office at ipinabatid sa Babatngon Municipal Police at Tacloban City Police Office, ang paglahok ng estudyante sa mga asembliya at lehitimong organisasyon ay mga legal na aktibidad na kinikilala sa ilalim ng 1987 Philippine Constitution.
Iniulat ng publikasyong estudyante ng Leyte Normal University, An Lantawan, na dalawa pang lider ng estudyante mula sa unibersidad ang nakaranas ng panggigipit at pananakot sa nakaraan.
Iniulat din ng isang student regent na apat na indibidwal na nag-aangking tauhan ng militar, kasama ang kanilang barangay captain at isa pang nagsabing siya ay dating rebelde ng New People’s Army, ang bumisita sa kanilang bahay noong 4 Agosto 2025. Inakusahan siyang miyembro ng komunistang grupo batay sa kanyang mga post sa social media.