Skip to content
DYARYO TIRADA

Heat, sinunog ang Bucks; Sixers wagi

Heat, sinunog ang Bucks; Sixers wagi

NBA

Text size

MIAMI, Florida—Hindi nagpakita ng awa si Giannis Antetokounmpo sa kanyang dating koponan na Milwaukee Bucks nang pangunahan niya ang Miami Heat sa 137-130 panalo sa kanilang unang paghaharap, Huwebes, 19 Nobyembre.

Nagtala si Giannis ng 27 puntos, 14 rebounds at siyam na assists upang tulungan ang Heat na makamit ang ikaanim na sunod na panalo, kasabay ng kanilang “Vice City” night bilang pakikiisa sa paglulunsad ng Grand Theft Auto VI.

Nag-ambag din si Bam Adebayo ng 26 puntos, habang kumana si Davion Mitchell ng 24 upang pangunahan ang opensa ng Miami at mapanatili ang kalamangan laban sa Milwaukee.

Naging malaking bahagi rin ng panalo ang mainit na three-point shooting ng Heat, na tumama sa 45.8 porsiyento mula sa tres o 22-of-48 attempts. Nanguna si Mitchell sa anim na tres, habang may apat naman si Klay Thompson.

Ito ang unang pagkakataong nagharap sina Giannis at Bobby Portis laban sa kanilang dating koponan matapos silang i-trade ng Bucks sa Heat noong offseason. Kapalit nila, nakuha ng Milwaukee sina Tyler Herro, Kel’el Ware, Jaime Jaquez Jr. at Kasparas Jakučionis, kasama ang mga future draft picks.

Hindi maikakaila ang naging halaga ni Giannis sa Milwaukee, kung saan ginabayan niya ang Bucks sa kanilang unang kampeonato matapos ang 50-taong paghihintay noong 2021. Dito rin niya napanalunan ang dalawang Most Valuable Player (MVP) awards at isang Defensive Player of the Year award.

Sa panalong ito, nanatili ang Heat sa ikaapat na puwesto sa Eastern Conference standings, sa likod ng Philadelphia 76ers, Boston Celtics at Detroit Pistons.

Samantala, napigilan ng Philadelphia 76ers ang tangkang pagbalikwas ng Orlando Magic at inangkin ang 121-116 na panalo sa likod ng mainit na opensa, Huwebes, 19 Nobyembre.

Also read Cone, target si Rhenz Abando para sa Gilas?

Nagpatuloy ang magandang simula ng Sixers sa season matapos makuha ang kanilang ika-13 panalo sa 16 na laro, sa kabila ng pagkawala ng kanilang pangunahing scorer na si Tyrese Maxey.

Pinangunahan ni center Joel Embiid ang Philadelphia sa kanyang 26 puntos, anim na rebounds at pitong assists.

Nagdagdag si VJ Edgecombe ng 24 puntos, kabilang ang apat na tres, habang nagtala naman si LeBron James ng 22 puntos at anim na assists. Nag-ambag din si Anfernee Simons ng 18 puntos.

Napanatili ng Magic ang kalamangan sa malaking bahagi ng laro matapos makapagtala ng 17 puntos na abante sa unang bahagi ng laban. Sa pagtatapos ng third quarter, lamang pa ang Orlando, 97-92.

Ngunit bumawi ang Sixers sa huling yugto sa pangunguna nina James at Edgecombe. Nagbigay si James ng apat na sunod na puntos at nagsilbi ring playmaker sa mga krusyal na opensa, kabilang ang pasa kay Edgecombe para sa isang three-pointer na nagbigay sa Philadelphia ng 114-112 abante sa natitirang 1:36 ng laro.

Sa panalo, umangat ang Sixers sa unang puwesto ng Eastern Conference taglay ang 13-3 kartada. Susunod nilang makakaharap ang Milwaukee Bucks sa Sabado.

Your sign today

Pick your Chinese zodiac sign for a daily forecast by Master Hanz Cua.