SUBSCRIBE NOW SUPPORT US

Iraq kinumpirma ang ganap na pag-alis ng puwersang US

MGA base sa labas ng Kurdistan region, kontrolado na ng Iraq, kabilang ang Al-Asad Air Base sa disyerto ng Anbar sa kanlurang bahagi ng bansa.
MGA base sa labas ng Kurdistan region, kontrolado na ng Iraq, kabilang ang Al-Asad Air Base sa disyerto ng Anbar sa kanlurang bahagi ng bansa.Photo from Nasser Nasser / AP.
Published on

Kinumpirma ng pamahalaan ng Iraq noong Linggo, 18 Enero 2026, na tuluyan nang umalis ang mga puwersa ng Estados Unidos mula sa lahat ng pasilidad militar sa loob ng federal territory ng bansa, maliban sa semi-autonomous Kurdistan Region kung saan nananatili ang ilang tropang US.

Ayon sa Iraqi Ministry of Defense, umalis na ang huling grupo ng US military advisers mula sa Al-Asad Air Base sa lalawigan ng Anbar sa kanlurang Iraq, na nagtapos sa mahigit dalawang dekadang presensya ng US sa naturang base. Iniwan din ng US-led coalition ang Joint Operations Command headquarters, at ang dalawang pasilidad ay ngayon ay ganap nang nasa ilalim ng kontrol ng Iraqi security forces.

Kinumpirma ng US Central Command na tama ang pahayag ng Iraqi government tungkol sa paglipat ng kontrol sa mga base, ngunit hindi nagbigay ng karagdagang detalye.

Nanatili pa rin ang operasyon ng US forces sa Harir Air Base sa Erbil province, na matatagpuan sa Kurdistan Region ng Iraq. Ang rehiyong ito ay isang autonomous federal entity na may sariling pamahalaan, parlamento, at security forces, ayon sa konstitusyon ng Iraq.

Ang pag-atras ng US ay alinsunod sa kasunduang nilagdaan ng Baghdad at Washington noong 2024, na nagtakda ng pagtatapos ng misyon ng US-led coalition sa Iraq bago matapos ang 2025. Para naman sa Kurdistan Region, inaasahang matatapos ang withdrawal pagsapit ng Setyembre 2026.

Malaki ang naging pagbabago sa bilang ng US troops sa Iraq mula noong pananakop noong 2003. Umabot sa humigit-kumulang 170,000 ang tropa ng US sa rurok ng digmaan. Noong 2011, iniutos ni dating US President Barack Obama ang pag-alis ng mga puwersa, ngunit muling nagpadala ng tinatayang 5,000 sundalo noong 2014 sa kahilingan ng pamahalaan ng Iraq upang tumulong sa laban kontra Islamic State.

Noong Disyembre 2021, pormal na tinapos ng US military ang combat role nito sa Iraq at lumipat sa advisory at assistance mission, na may humigit-kumulang 2,500 tropa.

Sinabi ng mga opisyal ng Iraq na sapat na ang kakayahan ng sandatahang lakas ng bansa upang tiyakin ang seguridad ng teritoryo at pigilan ang muling pagbangon ng Islamic State. Ayon sa kanila, ang susunod na yugto ng ugnayan ng Iraq at US ay tututok sa training, pagbili ng kagamitan, joint exercises, at operational coordination sa ilalim ng bilateral agreements.

Bagama’t itinuturing ng Iraq na tapos na ang misyon ng koalisyon sa loob ng bansa, nagpapatuloy pa rin ang mga operasyon laban sa Islamic State sa Syria. Ayon sa Baghdad, ang logistical support para sa mga operasyong ito ay daraan sa coalition air base sa Erbil, at hindi rin isinasantabi ang posibilidad ng pinagsamang US-Iraqi counter-ISIS operations na maaaring ilunsad mula sa Al-Asad Air Base kung kinakailangan.

Nagaganap ang pag-atras ng US sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon na may kaugnayan sa Iran. Ilang beses nang naging target ng pag-atake ang Al-Asad Air Base ng Iran at mga grupong kaalyado nito. Noong January 2020, tinamaan ang base ng ballistic missiles bilang ganti sa pagpaslang ng US kay Iranian military commander Qasem Soleimani. Matapos ang 7 Oktubre 2023 Israel-Hamas conflict, muling tinarget ang base, kabilang ang isang pag-atake noong August 2024 na ikinasugat ng limang US service members at dalawang contractor.

Ayon sa mga opisyal ng Iraq, ang pag-alis ng US forces ay maaaring magpalakas sa posisyon ng pamahalaan sa usapin ng pagdidisarma ng mga armadong grupong hindi kontrolado ng estado. Ilang Iran-backed militias, kabilang ang Kataib Hezbollah at Harakat al-Nujaba, ang nagsabing isusuko lamang nila ang kanilang armas kapag tuluyan nang umalis ang lahat ng dayuhang puwersa sa Iraq.

Isang handout photo na inilabas ng Barzani Headquarters noong 17 Enero 2026 ang nagpapakita kay Kurdish leader Massoud Barzani na nakikipagpulong sa US Special Envoy to Syria na si Tom Barrack, kasama ang pinuno ng Syrian Democratic Forces na si Mazloum Abdi, sa Erbil, Iraqi Kurdistan.
Isang handout photo na inilabas ng Barzani Headquarters noong 17 Enero 2026 ang nagpapakita kay Kurdish leader Massoud Barzani na nakikipagpulong sa US Special Envoy to Syria na si Tom Barrack, kasama ang pinuno ng Syrian Democratic Forces na si Mazloum Abdi, sa Erbil, Iraqi Kurdistan.Photo from Barzani Headquarters / AFP.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph