

Kailangan ipaliwanag ng Department of Justice (DOJ) kung bakit hindi isinama bilang state witnesses sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, dating engineers ng Bulacan first district, sa anomalous flood control projects, ayon kay Bicol-Saro Partylist Rep. Terry Ridon.
Binanggit ni Ridon na si Henry Alcantara, dating DPWH Bulacan District Engineer, lamang ang itinuring na state witness kahit na mas malaki ang kanyang pananagutan.
Aniya, dapat ipaliwanag ng DOJ kung bakit hindi isinama ang dalawang mababang opisyal ng DPWH, samantalang isinama si Alcantara bilang state witness. Mahalaga raw ang paglilinaw para malaman kung papayagan pang maging state witnesses sina Hernandez at Mendoza, o mananatili lang sa pending status. “Hindi makatarungan kung ang mababang opisyal lang ang papanagutin,” ani Ridon.
“Yung totoong sangkot, nakaligtas. Nakita natin na sina Roberto Bernardo at Henry Alcantara ay kwalipikado bilang state witnesses, habang sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza ay hindi,” dagdag pa niya.
Binanggit ni Ridon na sina Hernandez at Mendoza ang unang nagbunyag ng umano’y katiwalian at irregularidad sa paghawak ng pera sa DPWH First District Engineering Office, kaya sila ang “spearheads” ng publiko sa isyung ito.
“Hindi katanggap-tanggap para sa akin, at marahil para sa publiko rin, ang paliwanag kung bakit hindi pumasa bilang state witness sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza,” ani Ridon.
Aniya, malinaw at mahalaga ang partisipasyon ng dalawa sa scheme, at hindi sila ang pinaka-sangkot sa katiwalian.
Noong nakaraan, sinabi ng DOJ na sina Alcantara at dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo ay “protected witnesses” at nasa “provisional acceptance” ng Witness Protection Program. Kasama rin sa provisional acceptance sina Hernandez at Mendoza, pero ayon sa DOJ, wala silang nakikitang dahilan para tanggapin ang dalawa sa programa sa kasalukuyan.
Bukod kina Bernardo at Alcantara, kabilang sa mga state witnesses sina Gerard Opulencia at contractor Sally Santos. Ayon kay DOJ Secretary Frederick Vida, ligtas sa pananagutan sa krimen ang apat.
Dagdag ng acting DOJ chief, umabot sa P316,381,500 ang naibalik ng apat na state witnesses mula sa kabuuang obligasyon na P1.5 billion.
Nakatala naman sina Hernandez at Mendoza bilang respondents sa kasong malversation, graft, at falsification of documents kaugnay sa Bulacan flood control projects.