Direktang mapapakinabangan ng mga pasyente ang pondo para sa medical assistance nang hindi na kinakailangang dumaan pa sa mga politiko, ayon kay Senador Bong Go, Vice Chairman ng Senate Committee on Health.
Aniya, ang pondo para sa kalusugan ay nagmumula sa taumbayan, kaya nararapat lamang na ito ay direktang mapunta sa mga pasyenteng nangangailangan ng tulong medikal.
Ang pahayag ni Go ay kaugnay ng debate sa panukalang 2026 budget para sa Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program ng Department of Health (DOH).
Binatikos din ng senador ang mahigit P50 bilyon na budget para sa naturang programa, na posibleng magamit sa pamumulitika sa pamamagitan ng guarantee letter mula sa mga politiko.
Giit ni Go, hindi dapat nahihirapan o nagmamakaawa ang mga pasyente para makakuha ng tulong pampaospital.