Hotel sa Novaliches, QC ipinasara matapos lumabag sa ordinansa para sa kabataan


Ipinasara ng Business Permits and Licensing Department (BPLD) ng Quezon City ang MC Hotel na matatagpuan sa Barangay Novaliches Proper, matapos itong lumabag sa ordinansa ng lungsod na mahigpit na nagbabawal sa pagpapapasok ng mga menor de edad (edad 17 pababa) sa mga establisyimentong tulad nito nang walang kasamang magulang o legal na tagapangalaga.
Ang pagsasara ay kasunod ng isinagawang operasyon kagabi ng Quezon City Police District – Women and Children Concern Section (QCPD-WCCS), Barangay Public Monitoring Personnel (BPMP), at Social Services Development Department (SSDD), base sa mga ulat na natanggap mula sa concerned citizens at mga opisyal ng barangay.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pinayagan umano ng pamunuan ng MC Hotel ang pagpasok ng mga menor de edad na hindi kasamang magulang. Bukod pa rito, nakumpirmang nagpasok din ang mga ito ng iba't ibang uri ng nakalalasing na inumin at nag-inuman sa loob ng hotel — bagay na malinaw na paglabag sa umiiral na batas.
Sa isinagawang raid, nasagip ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 20 kabataan na umano’y nasa ilalim ng impluwensya ng alak. Napag-alamang ilan sa kanila ay nag-iingay at nagsisigaw na sa loob ng silid dahil sa kalasingan.
Sa ilalim ng ordinansa ng lungsod, mahigpit na ipinagbabawal sa mga establisyimentong tulad ng mga hotel at motels ang pagpayag sa pagpasok ng mga menor de edad na walang kasamang adultong tagapangalaga, lalo na kung may kaugnayan ito sa aktibidad na maaaring magdulot ng kapahamakan.
Kaugnay nito, pansamantalang ipinasara ang MC Hotel habang iniimbestigahan at tinutukoy ang pananagutan ng pamunuan nito.
Housing is probably the biggest issue affecting people the world over.
Malacañang on Monday called for a more thorough investigation into the questioned flood control projects in Taguig…
The defense on Monday backed the move by senator-judges to exclude a prosecution witness who testified on the firearms…