School bus, nahulog sa bangin; isa patay

Photo courtesy of Bataan PNP
Iniulat ng pulisya na isa ang namatay habang aabot naman sa mahigit 40 ang sugatan nang bumulusok ang isang school bus sa isang bangin sa bayan ng Orani, Bataan nitong Sabado.
Sinabi ni Philippine National Police provincial director Police Col. Rommell Velasco na isang babaeng guro ang kumpirmadong nasawi at 46 na iba pang elementary school teachers sa Quezon City ang sugatan sa pagkahulog ng isang school bus sa matarik na bahagi ng Vicinal Road, Barangay Tala, pasado alas-11 ng umaga.
Galing sa isang farm resort ang mga guro at pauwi na ang mga ito convoy ang dalawa pang school bus nang aksidente itong mahulog sa matarik na bahagi ng Vicinal Road dahil umano sa brake malfunction.
Ayon kay Velasco, ang mga guro ay mula sa Payatas Elementary School sa Quezon City. Sa report ni Orani PNP Chief Police Maj. Larry Valencia kay Velasco, karamihan sa mga sugatan ay nagtamo ng minor injuries.
Dead-on-arrival naman ang babaeng guro na nasawi. Dinala na ang kaanak ng namatay sa Orani District Hospital mula Quezon City.
May isa namang bus na dumating para dalhin ang mga nasugatan sa Quezon City para maipagamot at maipauwi.
Agad rumesponde ang iba't-ibang rescue groups mula sa Bataan kabilang ang Metro Bataan Development Authority, Orani town emergency, Bataan React team, at mga opisyal ng barangay. Karamihan sa mga sugatan ay dinala sa Orani Emergency Hospital.
Ang school bus ay DepEd service na minamaneho ng isang 62-taong gulang at residente ng lungsod ng San Jose Del Monte, Bulacan. Isa rin ang bus sa tatlong bus na donasyon ng QC government sa schools division office noong 2016, ayon sa lokal na pamahalaan ng QC.
Sa isang pahayag, sinabi ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na handa itong tumulong sa mga pangangailangan ng mga nasangkot sa aksidente.
"Labis na ikinalulungkot ng lokal na pamahalaan ang pangyayari at handa rin itong tumulong sa pangangailangan ng mga nasangkot sa insidente," sabi ng QC LGU.
May pahintulot din umano ng DepEd sa Quezon City ang dinaluhang event ng mga guro.
