Saan walang baha?



Ibinahagi ng aktor na ngayo'y pastor na si Edward Barber na engaged na siya sa kaniyang non-showbiz girlfriend na si…

Kasalukuyang nasa United States ang mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao dahil hinatid nila ang kanilang anak na si…

Muling nagkabigayan ng maaanghang na salita si Philippine Coast Guard spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Jay…

Galit na galit si Rita Gaviola na kilala bilang “Badjao Girl,” sa podcast host ng “KoolPals” nang mapanood niya ang…
Pinapak ng netizens ang intimate at private wedding ni Isabela 1st District Rep. Antonio “Tonypet” Albano na ginanap…
Noong Lunes halos apat na oras akong naghanap ng paraan para makauwi.
Salamat sa aking editor sa pagbibigay-daan na hayaan nating huminga nang maluwag ang ating buhay na wika. Ngayong Buwan ng Wika, gagamitin natin ang Filipino na buhay, humihiram, humuhubog at patuloy na hinuhubog ng bayan. Palagay ko, kailangan itong marinig.
Masuwerte ako. Nasa loob ako ng sariling sasakyan, tuyo at komportable. Pero habang tinitingnan ko ang aking social media feed, lumilitaw ang baha sa halos bawat intersection na daraanan ko. May mga dati nang binabaha; mas nakababahala, may mga bagong nadagdag.
Pagkaraan ng apat na oras, na-realize ko at tinanggap: hindi na ako makakauwi ayon sa plano. Kaya dalawang oras pa akong nagpalipas sa mall, naghihintay na humupa ang tubig. Something I am still grateful for.
Sa anim na oras na iyon, nakarating na sana ako sa Baguio, may stopover pa. Halos San Juan lang ang naikot ko. Muntik ko nang isipin kung kailangan ko na ring mag-transfer ng voter registration doon.
Ang tanging baha na malugod kong tinanggap ay ang baha ng banat mula sa aking KaTribu, si Atty. Edward Chico.
Nakakatawa sana. Pero nakagagalit.
Mula sa aking driver’s seat, tanaw ko ang mga pedestrian at commuter, bata at matanda, basang naglalakad at naghihintay. I could only pray for their relief.
Napatingin din ako sa isang magarang EV na hindi rin makausad. Hindi pantay ang hirap, pero pareho kaming nakatitig sa tubig at trapik. I also prayed for both our anxious minds.
At hindi dapat malimutan ang mga tumulong: mga officer na humigit sa tungkulin, mga tumulong sa stranded, at mga kusang naglinis ng baradong drainage. Sa gitna ng pagkabigo, may mga taong piniling kumilos.
May climate change. Malakas ang kalikasan. Walang pamahalaang makapangangakong hindi na tayo babahain. Pero hindi rin bago ang baha.
Taon-taon tayong gumagastos sa flood-control projects. Kaya kung na-implement ang mga project, bakit tila may mga bagong lugar pang binabaha? Mali ba ang design? Kulang ba sa maintenance? O mas masakit: Nagawa nga ba talaga ang lahat ng sinabing ginawa?
Hindi ito dapat sagutin ng haka-haka. Sagutin ito ng records, engineering, audit at accountability.
Sa ikatlong sunod na taon, tila kalikasan na naman ang nag-audit. Hindi nito binabasa ang certificate of completion. Iisa ang tanong nito:
Gumagana ba?
Dito dapat manggaling ang ating indignation: galit na may pinanggagalingang kawalang-katarungan at may hinihinging pananagutan.
May kapungot sa Cebuano, pungtot sa Ilokano, ogót sa Hiligaynon; sa Maranao, maaaring gaganin ang taong nagagalit.
Pero hindi puwedeng galit lamang.
Sa bawat baha, bumabalik ang gasgas na paliwanag: nabarahan kasi ng basura ang drainage. Madali itong i-dismiss, pero hindi natin dapat takasan ang bahaging atin.
Garbage collection can be outsourced. Binabayaran natin iyan sa buwis. Pero bago dumating ang garbage truck, pinaghiwalay ba natin ang basura? Inilagay ba sa tamang lugar? O iniwan sa tabi ng kalsada, kung minsan sa ilalim pa ng karatulang: “HOY TANGA, BAWAL MAGTAPON NG BASURA DITO!”
Kung hihingi tayo ng accountability, kailangan handa rin tayong managot sa bahaging atin.
May karapatan tayong magalit. Dapat nga tayong magalit. Pero sayang ang galit kung mauuwi lamang sa meme, biro, resignation at kalaunan ay limot.
Kaya huwag lang mag-post. Itala. Saan bumaha? Ano ang project na ginawa roon? Magkano? Kailan natapos? At higit sa lahat, gumagana ba?
Maaaring hindi pareho ang baha sa Maynila at sa kanayunan. Pero pareho ang agos ng tubig. Pareho ang pangamba kapag tumataas ito. Kung kailangan nating magsalita sa wika ng ating kababayan upang magtagpo kahit sandali, magsalita tayo.
Iba-iba man ang salita, huwag sana itong mauwi sa parehong katahimikan.
Gawin nating alaala ang galit. Gawin nating pagkilos ang alaala. At gawin nating pananagutan ang pagkilos.
Doon marahil muling dadaloy ang agos ng pananagutan, hanggang makarating sa katarungan.