

Ngayong Ash Wednesday, 18 Pebrero 2026, dinagsa ng mga debotong Katoliko ang National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Parañaque City bilang hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma.
Ayon sa security department ng simbahan, tinatayang nasa 15,000 na katao ang dumalo simula alas-singko ng umaga.
Inaasahang aabot pa sa humigit-kumulang 100,000 ang kabuuang bilang ng mga deboto sa buong maghapon.
Maagang napuno ang loob ng simbahan, at maging sa labas ay mahaba ang pila ng mga nais makiisa sa misa at magpalagay ng abo sa kanilang noo.
Nagsimula ang unang misa alas-5:30 ng umaga at ang huli ay ganap na alas-8:15 ng gabi.
Sa kanyang homiliya, binigyang-diin ng kura paroko na si Fr. Rico John Bilangel na ang abo ay hindi lamang simbolo, kundi paalala ng pagpapakumbaba at tunay na pagbabago. Aniya, higit na mahalaga ang pagbabago ng puso—ang pagpapatawad, paghingi ng tawad, paggawa ng mabuti sa kapwa, at pagtulong sa mga nangangailangan.