Pamumuhunan at seguridad sa enerhiya, pinalakas sa pagbisita ni PBBM sa Singapore

President Ferdinand Marcos Jr. and Singapore Prime Minister Lawrence Wong hold a bilateral meeting at Malacañang on Wednesday, 4 June 2025, aimed at strengthening diplomatic and economic ties between the Philippines and Singapore.
Photo by Yummie Dingding for DAILY TRIBUNE
Nagdulot ng mas malawak na oportunidad sa pamumuhunan, mas matibay na ugnayang pang-ekonomiya, at mas matatag na seguridad sa enerhiya ang limang araw na working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Singapore.
Pagbalik ng pangulo kahapon, sinabi niyang naging matagumpay ang kanyang mga pakikipagpulong sa mga lider ng negosyo sa Singapore, kabilang ang malalaking kompanyang FedEx at Mitsubishi.
Ayon kay Marcos, naging mahalaga rin ang kanyang pakikipag-usap kay Singaporean Prime Minister Lawrence Wong upang mapanatili ang momentum ng mga programa at adyenda ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), lalo na sa paghahanda ng Pilipinas na ipasa sa Singapore ang pamumuno sa organisasyon sa susunod na buwan.
Binigyang-diin ng pangulo na hindi lamang pag-akit ng mga mamumuhunan ang layunin ng kanyang pagbisita. Kabilang din dito ang paghahanda ng bansa sa mga pangangailangan sa teknolohiya ng enerhiya at pagpapaunlad ng mga bihasang manggagawa upang masuportahan ang patuloy na paglago ng mga industriya sa hinaharap.
