

Pinagtibay ni Senadora Loren Legarda ang kanyang suporta sa Expanded Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act of 2025 sa kanyang co-sponsorship speech sa Plenaryo noong 10 Pebrero 2026. Ang panukala ay nag-aamyenda sa Republic Act No. 11930 upang tugunan ang nagbabagong anyo ng pagsasamantala sa mga bata sa digital na kapaligiran.
Bago pumasok sa serbisyo publiko noong 1998, dokumentado na ni Legarda ang human trafficking sa pamamagitan ng kanyang investigative program na Inside Story at dokumentaryong batay sa aklat na They Are So Sweet, Sir, na naglahad ng buhay ng mga Pilipinang biktima ng trafficking sa loob at labas ng bansa noong dekada ’70 at ’80.
Aniya, umaabuso ang mga sindikato sa kahinaan at kahirapan, at madalas ay pinipigilan ang mga biktima sa pamamagitan ng takot, hiya, at pamimilit. Binigyang-diin ni Legarda na mabilis umangkop ang mga kriminal, sinasamantala ang bawat kakulangan sa batas, koordinasyon, at pagpapatupad.
“Through their stories, I learned that perpetrators do not stand still. They move with technology, hide behind new fronts, and exploit every gap in law, every weakness in coordination, and every moment of institutional delay,” wika niya.
Itinuro niya na bagaman mahalagang batas ang RA 11930, mabilis na nakaangkop ang mga nang-aabuso sa encrypted platforms, digital payment systems, at cross-border hosting services. Aniya, ang pinsala ay hindi na limitado sa isang lugar; ito ay nare-record, nare-replicate, at naipagpapalit, na nag-iiwan ng digital footprint na sumasabay sa bata buong buhay.
Binanggit din ni Legarda ang ulat na ang nahatulang Amerikanong pedopilya na si Jeffrey Epstein ay nag-operate umano ng network sa Pilipinas noong 2010, sa kabila ng umiiral na mga batas laban sa trafficking. Maghahain siya ng resolusyon na nananawagan sa Department of Justice, National Bureau of Investigation, at kaukulang komite ng Senado na imbestigahan ang footprint ni Epstein sa bansa, kabilang ang mga organisasyon, sindikato, at public relations outfits na maaaring tumulong sa paglilinis ng kanyang physical at digital image. Iginiit niya na dapat managot ang sinumang tumulong o kumita mula sa pagsasamantala sa mga bata.
Layunin ng panukalang amyenda na pahusayin ang koordinasyon ng mga ahensya, magpatupad ng mas mahigpit na pananagutan sa mga platform na nag-ooperate o naaabot ang Pilipinas, at bigyan ang mga awtoridad ng kakayahang gamitin ang digital na ebidensya upang makilala ang mga biktima, makabuo ng kaso, at makipagtulungan sa ibang bansa. Ipinaliwanag ni Legarda na pinatitibay ng panukala ang pagpapatupad sa pamamagitan ng mas malinaw na pamantayan at tuluy-tuloy na proteksyon sa mga bata, mula sa watak-watak na hakbang patungo sa mas maaasahang sistema.
“The Expanded Anti-Online OSAEC and CSAEM Act of 2025 is a necessary step in keeping our laws responsive to evolving technology and cross-border criminality. In supporting this measure, we affirm that the Philippines will not allow digital spaces, financial channels, or jurisdictional distance to become safe havens for those who profit from the abuse of children,” pagtatapos niya.